Filtered By: Showbiz
Showbiz

Katrina Halili: My only fault was falling in love


Masaya si Katrina Halili dahil mataas naman ang ratings ng Dear Friend simula nang umere ang episode nilang "Karibal" with Alfred Vargas, Jewel Mische, and JC Tiuseco. Ito ang naging follow-up project ni Katrina pagkatapos ng Gagambino, at sa panahon din na naungkat muli ang pinakahuling kontrobersiya na kinasangkutan niya. Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Katrina sa pre-birthday show ni JC Tiuseco sa Zirkoh, Greenhills, noong Sabado ng gabi, March 28, sinabi niyang masaya naman siya in general. "Masaya naman po ako dahil masaya naman ako sa GMA. After ng isang show, binibigyan naman nila ko ng panibago. Although yung Dear Friend nga po, isang buwan lang. Pero masaya ako dahil maganda naman po ang rating namin. Sa soap naman po, wala pa kasi, kaka-start pa lang ng ibang mga soaps," saad niya. If ever, okey raw sa kanyang muling gumawa ng isang afternoon series katulad noong ginawa niya ang Magdusa Ka. "Ako, sobrang gusto kong bumalik," sabi niya. "Gusto ko dahil nakaka-miss mag-drama, sobra! At saka sanay ako five days, every week akong nagte-taping. So, parang ako, teka lang, nabo-bore! Pero okey lang naman, ine-enjoy ko rin naman." There was a time na hangga't maaari ay ayaw niyang gumawa muna ng mga kontrabida roles. Kung sakali at ang susunod na ipapagawa sa kanya ng Kapuso network ay may pagka-kontrabida, papayag ba siya? "Actually, okey lang," sagot ni Katrina. "Gusto ko 'yung character ko noon as Angelica [in Marimar]. Kung maganda ang project, bakit hindi, di ba? And siyempre, 'yung time na gusto ko kasing mag-switch-switch, so gusto kong ma-experience 'yung iba. And parang hinahanap ng katawan ko!" Could it be because na-prove na rin niyang kaya naman niyang magbida? "Siguro, masasabi kong na-miss ko, sobra! Pero siyempre, ayoko pa rin naman ng super kontrabida. Siguro, strong personality. Puwede naman siguro." Kung sakali, may naiisip ba siyang female star ng Kapuso na type naman niyang "apihin" this time? "May iniisip...joke!" at saka siya natawa. "Actually, ako, kahit kanino naman. Actually, inisip ko rin naman kung ano ba ang mga magiging shows ng GMA-7." Kami na ang nagsabi ng tila hindi niya mabigkas at ma-reveal. Posible kayang sa Rosalinda ay type niyang maging kontrabida ng baguhang si Carla Abellana? "Oo naman... Sabi ko nga, sobrang na-miss ko talaga. At doon ako mas okey. Parang na-miss lang." Sa male stars ng GMA-7, sino pa yung gusto niyang makasama? "Si Dingdong [Dantes]! Siyempre, hindi ko pa siya nakaka-partner. Ambitious! Pero lahat naman ng hindi ko pa nakakasama. Si Richard Gutierrez din. Pero ang pinakagustong-gusto ko, si Richard Gomez. Na-miss ko. Ang sarap-sarap niyang katrabaho, promise! Sobrang idol ko siya. "Kasi, noong nandoon ako sa Marimar, ang sarap na ang mga kaeksena mo, sobrang magagaling na artista, e, dalawa kaming palagi. So, sobrang nag-enjoy ako," lahad ni Katrina. TIME TO MOVE ON. Aminado naman si Katrina na naging tila pagsubok sa kanya 'yung nakaraang kontrobersiya na pinagdaanan niya. Pero magkaganunman, naniniwala siya na nakaka-move on na rin siya from that. "Sa tingin ko, tapos na siya and let's all move on!" natawa niyang sabi. "Tapos na siya, e, last year pa siya. Ang dami nang dumating na issue. Tama na rin naman. Kung anuman ang mga nangyari, napagbayaran ko na rin naman in a way at hindi ko na rin dapat pang isa-isahin. "Alam mo yung consequence nun, parang, di ba, okey na ako? Tao lang naman po ako na nagkamali at humihingi ako ng tawad." But still, sa mga huling press conference ni Katrina, hindi pa rin niya napigilang maging emosyunal palagi. Kaya naman tinanong namin siya kung bakit umiiyak pa rin siya? "Palagi po akong umiiyak, e... Hindi lang siguro maiwasan sa mga pinagdaanan ko, di ba? Kung yung dati, wala akong rason para maiyak ako, ngayon, talagang lahat sila, hinuhusgahan ka. So, parang nakakaiyak talaga yun." Napipikon ba siya kapag patuloy pa rin siyang tinatanong about the said controversy? "Napipikon... Siguro, hindi naman napipikon. Siguro, ayoko lang sumagot sa ganoon kasi tapos na. Pinagsisihan ko naman kung ano ang nagawa ko. Ang kasalanan ko lang naman, nagmahal ako, and I'm sorry," saad niya. May mga balita ngayong lumalabas na nakikita raw muli together in public sina Dra. Vicki Belo at Dr. Hayden Kho at may balitang baka nagkabalikan na ang dalawa. Ano ang masasabi niya rito? "Well, happy ako for them, di ba?" nakangiti niyang sabi. "Siguro, mas dapat akong maawa sa sarili ko. Kasi, isipin n'yo rin naman, sarili ko rin naman ang nasaktan ko, di ba? Hindi naman sa nakasakit ka ng ibang tao... Oo, nakasakit ka, pero mas nasaktan ko ang sarili ko. "Masaya lang ako for them," pahabol ni Katrina. - Philippine Entertainment Portal