Filtered By: Topstories
News

Transport strike iniumang ng ACTO sa Biyernes


MANILA – Magsasagawa ng malawakang tigil-pasada ang isang alyansa ng mga public transport operator sa Biyernes upang iprotesta ang mataas umanong multa sa mga drayber na inakusahang lumalabag sa batas trapiko. Sa ulat ng QTV news’ “Balitanghali" nitong Martes, binatikos ng Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) ang Implementing Order 2008-039 ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na pipilay umano sa sektor ng pampublikong transportation. Kasama sa probisyon ng naturang kautusan na tinututulan ng ACTO ay pagmulta sa mga tsuper na nakasuot ng tsinelas habang pumapasada. Sa ilalim ng kautusan, ang mga drayber na lalabag dito ay pagmumultahin ng P1,000 sa unang pagkakataon; P1,500 na multa at dalawang buwang suspensyon sa lisensya sa ikalawang pagkakataon; at P2,000 multa at anim na buwang suspensyon sa ikatlong pagkakataon. Pinabulaanan naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Alberto Suansing ang paniwala ng ACTO. Sinabi nito na dapat sumunod sa kautusan ang mga tsuper upang hindi magmulta. Wala namang balak si Suansing na pigilin ang ACTO na magprotesta ngunit dapat umanong isagawa ang kanilang hinaing sa mapayapang paraan. - GMANews.TV
LOADING CONTENT