Filtered By: Topstories
News

Lim-Atienza showdown sa Maynila sa 2010 polls


MANILA – Posibleng maganap ang inaabangang pagtatapat nina Manila Mayor Alfredo Lim at dating alkalde ng lungsod na si Environment Sec. Lito Atienza sa 2010 elections. Nitong Miyerkules, inihayag ni Lim na handa siyang tumakbong muli bilang alkalde ng lungsod sa 2010 kung nais umano ng kanyang mga kababayan. “If my constituents still want me, then I will run again this coming elections. But if my constituents do not want me to run anymore, I would pack up my things and leave the office," ayon kay Lim. Hindi tinapos ni Lim ang kanyang anim na taong termino bilang senador nang tumakbo at manalong alkalde ng Maynila noong 2007 elections. Nakatapat ni Lim sa naturang posisyon noong 2007 elections si Ali Atienza, anak ni Sec. Atienza. Napilitang iwanan ni Sec. Atienza ang city hall ng Maynila noong 2007 dahil natapos na ang kanyang tatlo termino o siyam na taong panunungkulan sa posisyon. Dating magkaalyado sa pulitika sina Lim at Atienza. Katunayan naging bise alkalde ni Lim si Atienza sa Maynila sa dalawang eleksyon noong 1992 at 1995. Ngunit nang tumakbong presidente ng bansa si Lim noong 1998, ipinaubaya nito kay Atienza ang pagtakbo bilang alkalde sa lungsod. Sumunod nito ay nagsimula ng tumabang ang kanilang samahan. Inaasahan na muling tatargetin ni Sec Atienza ang posisyon ng alkalde sa Maynila sa 2010 elections. - GMANews.TV