Filtered By: Topstories
News

Nasawi sa sumabog na pabrika sa Bulacan umakyat na sa 12


STA. MARIA, Bulacan – Tumaas na sa 12 tao ang kumpirmadong namatay sa malakas na pagsabog ng isang styrofoam factory sa bayang ito Martes ng gabi. Sa ulat ng pulisya, dakong 8 p.m. nang maganap ang malakas na pagsabog sa boiler section ng QC Styrofoam factory na pag-aari ng isang Alex Chua sa Brgy. Guyong ng bayang ito. Apat na malalaking gusali nito ang nawasak sa loob ng compound bunga ng malakas na pagsabog. May mga impormasyon na may 22 tao pa hinahanap pero wala pa itong kumpirmasyon sa ngayon dahil patuloy ang search at retrial operation. Pitong manggagawang ang dinala sa Rogaciano Memorial Hospital sa bayang ito ang idineklarang dead on arrival. Samantala, dalawa sa walong dinala sa Bulacan Medical Center (BMC) ang hindi na rin umabot ng buhay sa pagamutan. Ayon sa BMC, ang nasawi ay kinilalang sina Ronalyn Angeles at isang nagngangalang Michelle. Binawian din ng buhay habang ginagamot si Gener Dunot. Lima pang sugatan ang inoobserbahan sa BMC at mayroon ding isinugod sa Jose Reyes Memorial Hospital dahil sa mga sunog sa katawan. Dinala naman sa Our Lady of Peace Funeral Homes ang ibang nasawi. Sinabi ni Jecel Mae Deljito, trabahador sa pabrika at nagtamo ng mga sugat sa katawan, nakarinig siya ng malakas na pagsabog at pagkatapos nito ay wala na siyang matandaan. Inihayag naman ni Rodolfo Angeles, ama ng isa sa mga nasawi, pinag-aaralan nila na magsampa ng kaso laban sa may-ari ng pabrika. Naniniwala si G. Angeles na kapabayaan ang dahilan ng aksidente kaya dapat umanong managot ang may-ari ng pabrika sa buhay ng kanyang anak. Sa panayam naman ng dzBB radio, sinabi ni Superintendent Marcos Rivero, hepe ng Santa Maria police, na lima ang nasa listahan nila ng nasaktan. "Ang latest as of 2 a.m. kanina, 12 ang patay at ang 5 injured. Kanina mga 12 midnight, 8 ang patay, ang injured e 6," paliwanag niya. Ngayon pa lang, inalis ng pulisya ang anggulo na sinabotahe ang pabrika na halos 22-taon na umanong nag-ooperate. "Napakatagal nitong factory, halos 22 years na. Maganda ang kalagayan nila simula pa so talagang nagkaroon ng disgrasya," paliwanag ng opisyal. - GMANews.TV
LOADING CONTENT