Filtered By: Showbiz
Showbiz

Family, friends jam in Francis M’s 40th day


Buhay na buhay ang alaala ni Francis M nang gunitain ng pamilya at mga kaibigan ang ika-40 araw ng kamatayan ng Master Rapper nitong Miyerkules. Sa Chika Minute portion ng 24 Oras nitong Huwebes, sinabing sinimulan ng isang misa ang paggunita sa “40-days" ni Francis na pinangunahan ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa noontime show na “Eat Bulaga." Ayon kay entertainment reporter Audrey Carampel, nandoon sina Michael V., Toni Rose Gayda, Anjo Yllana, Pia Guanio at TAPE executives na si Tony Tuviera at Malou Choa-Fagar. Pagkatapos ng misa ay nagkaroon ng salu-salo at sinundan ng jamming kung saan inawit nila ang mga kantang nilikha ni Francis. Kasama sa mga tumugtog at umawit ang asawa ni Francis na si Pia at ang kanyang mga anak. “In the true sense of ‘Francism,’ music pa rin ang pag-reach out namin para ma-express namin ang sarili namin, since our child grow up with the music of Francis also ," ayon kay Pia. Sa pamamagitan ng pag-awit sa mga kantang nilikha ni Francis ay nararamdaman umano nila na kasama pa rin nila ang pumanaw na master rapper. Bukod kay Pia at mga anak, kumanta rin sina Michael V, Gloc-9 , at Reymond Marisigan sa sikat na grupo noon na EraserHeads. At sa kabila ng labis na pangungulila sa ama, sinabi ni Maxine na nalalabanan nila ang kalungkutan sa pamamagitan ng suporta ng bawat isa sa kanila. “Other than sa times na paminsan-minsan may naiiyak OK naman kami. Kasi mas naging close ang family namin. And because of that closeness, the family shares parang normal lang ulit," paliwanag ni Maxine. Mensahe naman ni Bitoy kay Francis: “Lagi ka namang buhay sa puso namin, ang musika mo ang magpapatuloy ng iyong legacy, so relax ka lang dyan." - Fidel Jimenez, GMANews.TV