Filtered By: Topstories
News

Pacquiao pinabagsak si Hatton sa 2nd round


MANILA – Maagang winakasan ni Manny Pacquiao ang kaniyang laban kontra Ricky Hatton ng pabagsakin nito ang British champion sa second round ng kanilang 12-round na laban ng “Battle of East and West" sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas nitong Lingo (Sabado sa US). Isang matinding kaliwang suntok, na kilalang armas ng Pinoy ring icon, ang pinakawalan ni Pacquiao ang siyang tumapos sa pangarap ni Hatton na makuha ang pound-for-pound na korona sa kaniyang kalaban. Naging masakit naman itong pagkatalo para sa boksingerong tinaguriang “Hitman" dahil nakataya sa laban ang International Boxing Organization (IBO) at Ring Magazine junior featherweight crowns nito. Dahil sa panalo ay naagaw ni Pacquiao ang mga titulo ni Hatton. Ang pinakahuling panalo ay nag-angat ke Pacquiao bilang six-time world champion sa limang magkakaibang weight division. Bukod dito ay napanatili nya ang kaniyang estado bilang top pound-for-pound na boksingero sa buong mundo. Idinagdag ni Pacquiao ang IBO at Ring Magazine junior featherweight na korona sa kaniyang listahan ng mga titulo. Nauna ng napanalunan nito ang mga korona sa mga division ng lightweight at super-featherweight ng World Boxing Council, IBF super bantamweight, WBC flyweight at Ring Magazine featherweight. Nauna ng pinabagsak ni Pacquiao si Hatton ng dalawang beses sa unang round gamit ang magkasunod na left-right na kumbinasyon. Tuluyan ng tinapos ni Pacquiao ang laban sa pamamgitan ng isang kaliwa na solidong kumunekta sa bukas na depensa ni Hatton sa second round. Nanahimik naman ang mga British fans ni Hatton ng bumagsak na ito ng ikatlong beses bago matapos ang second round. Kumunekta ng 73 matitinding suntok si Pacquiao kumpara sa 18 ni Hatton ayon sa talaan ng laban. – GMANews.TV