Filtered By: Topstories
News

Sec Teodoro ‘out’ na sa listahan ng pambato ng NPC sa 2010 polls


MANILA – Kahit pa bumalik sa pagiging miyembro ng Nationalist Peoples Coalition, hindi na isasama sa listahan ng pinagpipiliang standard bearer si Defense Secretary Gilbert “Gibo" Teodoro. Ito ang inihayag nitong Huwebes ni Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, anak ni dating embahador Eduardo “Danding" Cojuangco na nagtatag ng NPC noong 1992 presidential elections. Sa panayam ng media, sinabi ni Rep. Cojuangco na tanging sina Sens Francis “Chiz’ Escudero at Loren Legarda na lamang ang pinagpipilian ng partido kung sino ang magiging pambato nila sa pampanguluhang halalan sa 2010. “I think the position of the party is clear. I think our party is giving two good choices to the Filipino people, bahala na po silang mamili kung sino ang dapat mamahala sa ating countries. We only have two candidates…it is Chiz-Loren, Loren-Chiz. They would settle among themselves," ayon kay Cojuangco. Dating kasapi ng NPC si Teodoro at kamakailan ay nagpahayag ng kanyang intensyon na tumakbong presidente sa 2010 elections kung makukuha ang basbas ng Malacanang. Nitong Martes ay pinuna ni Escudero ang napakaraming ulit na paglabas ng komersiyal ng mga opisyal ng Malacanang, kasama si Teodoro, sa naging laban nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton noong Linggo. Ayon kay Escudero, maraming tao ang nagalit dahil mas matagal pa ang pag-ere ng mga komersiyal ng mga opisyal ng gobyerno kaysa sa naging laban nina Pacquiao at Hatton na tumagal lang ng dalawang round o anim na minuto. Kasabay nito, sinabi ni Rep. Cojuangco na tuloy ang pagtakbo ng magiging pambato ng NPC sa 2010 kahit hindi nila makuha ang suporta ng Malacanang. “They will run whether or not Malacanang support them, one of them will run," pahayag ng kongresista na tumangging sagutin kung maituturing “kiss of death" ang basbas ni Pangulong Gloria Arroyo. “I don’t think that that is a fair question to ask me. I think the government is doing what it can at this time to help our people….this government has done its share of good things, as well as mistakes," pahayag ng kongresista. - GMANews.TV