Filtered By: Showbiz
Showbiz

Regine Velasquez ‘flattered’ by David Archuleta's admiration


Nakarating na kay Asia’s Song Bird Regine Velasquez ang paghanga sa kanya ng American Idol Season 7 runner-up na si David Archuleta. Ang tanong, magkita kaya ang dalawa habang nandito sa Pilipinas ang international singer? Sa panayam ni entertainment reporter Nelson Canlas kay Regine, sinabi ng Kapuso star na very flattered siyang malaman na isang katulad ni Archuleta ang humahanga sa kanya. Mula raw nang mapanood ni David ang pagkanta ni Regine sa YouTube ay naging tagahanga na siya ng singer/actress. Kaya naman nang dumating ito sa bansa nitong Martes ay kaagad niyang binanggit na hangad niyang makita si Regine. Nakatakdang magtanghal para sa one night only concert sa Sabado sa SM Mall of Asia si David kasama ang AI Season 7 grand winner na si David Cook. Pero nanghihinayang si Regine na hindi niya makikita si Archuleta dahil nakatakda naman siyang lumabas ng bansa sa Miyerkules ng gabi para sa second part ng concert nila nina Pops Fernandez, Khu Ledesma at Zsa Zsa Padilla. “Very flattering that they know me," pahayag ni Regine sa Chika Minute portion ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, na labis na nanghihinayang na ‘di sila magkikita ng international singer. Gayunpaman, may mensaheng iniwan si Regine para kay Archuleta. “Hope he will have a great time here in the Philippines. Everyone here likes him and hoping he will have a great show," ayon sa singer/actress. Mawawala raw ng tatlong linggo si Regine kaya naman naging abala siya nitong mga nakaraang araw sa pagta-taping para sa kanyang programang “Totoy Bato" at ang bagong “The Next Big Star." - Fidel Jimenez, GMANews.TV

LOADING CONTENT