Filtered By: Topstories
News

'Di pagsipot ni Villar sa C-5 road probe inihalintulad ni Joker kay Ninoy


MANILA – Inihalintulad ni Senador Joker Arroyo nitong Miyerkules si Senador Manny Villar kay dating Senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr., at iba pang “martir" na hindi sumipot sa paglilitis ng kanilang mga kaso. “There is dignity in not attending a trial with built-in rules stacked against you," ayon kay Arroyo, na inihalintulad ang ginawang pag-isnab ni Villar sa pagdinig ng Senado sa ginawa noon nina Aquino, yumaong negosyante na si Eugenio Lopez Jr., at dating Sen. Sergio Osmeña III, sa kani-kanilang mga kaso. Ito ay patungkol sa patuloy na pagmamatigas ni Villar na idepensa ang sarili sa ginagawang imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole kaugnay sa usapin ng C-5 Road Project. Ipinaalala ni Arroyo na hindi nakisali si Aquino sa ginawang paglilitis sa kanya sa Military Commission No. 2 hanggang sa masentensyahan siya ng kamatayan noong administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Samantala, sa halip na dumalo sa kanilang paglilitis, sinabi ni Arroyo na mas pinili nina Lopez at Osmeña na tumakas sa kanilang piitan noong panahon din ng Batas Militar. Nauna ng idineklara ni Villar na hindi siya makikisali sa pagdinig dahil inaasahan niyang “guilty" ang magiging hatol sa kanya ng komite kaugnay sa reklamong inihain ni Sen. Ma. Ana Consuelo “Jamby" Madrigal, na kaalyado ni Sen Panfilo Lacson. Ayon kay Arroyo, mapanganib ang ginagawang “paglalaro" ng mga senador sa kaso ni Villar na nais umanong magpatalsik ng kasamahan sa kapulungan batay sa “bilang" ng mga kaalyado sa halip na “merito" ng reklamo. Mula nang itatag ang Senado noong 1916, sinabi ni Arroyo na kailanman ay hindi umano ginamit ang kapangyarihan ng kapulungan na parusahan ang isang miyembro “for disorderly behavior," maging ng mga dating naghangad na maging lider ng bansa para lang "durugin" ang kasamahan nila na itinuturing “front-runner" sa panguluhang halalan. “Those six words in the Constitution is meant to discipline members. The Senate presidentiables have misused the power to cut down an opponent," patungkol ni Arroyo sa mga senador na itinuturing “presidentiables" na sina Sens Panfilo Lacson, Manuel Roxas II, Loren Legarda, Francis Escudero at Richard Gordon. Wala pa ring quorum Samantala, nabigo muli ang Senate ethics committee na pinamumunuan ni Lacson na dinggin ang reklamo laban kay Gordon at ibasura ang isa pang reklamo laban kay Villar nitong Miyerkules dahil sa kawalan ng quorum. Tanging sina Lacson, at Sen Gregorio Honasan lamang ang dumalo sa pagdinig kaya muling ipinagpaliban ng una ang pagdinig sa reklamong inihain ni dating Quezon City Rep. Dante Liban laban kay Gordon. Nakatakda rin sanang ibasura ang reklamong isinampa laban kay Villar tungkol sa umano’y land grabbing sa Bulacan na wala umanong sapat na merito. "While there was a quorum a while ago and we could have adopted whatever recommendation the general counsel has submitted to the committee of ethics, right now there are only two members. No clear majority considering that the number of regular member is 5," patungkol ni Lacson kay Sen. Mar Roxas na biglang nawala sa kuwarto nang sisimulan na sana ang pagdinig. Dahil dito, napilitan si Lacson na itakda ang susunod na pagdinig sa susunod na linggo. Ito na ang ikalawang linggo na naantala ang pagsusuri sa reklamo ni Liban na “conflict of interest" laban kay Gordon. Kinukuwestiyon ni Liban kung bakit nanatiling pinuno ng National Red Cross si Gordon habang nakaupo itong senador ng bansa. - GMANews.TV