Filtered By: Topstories
News

Hayden Kho, Vicki Belo ipatatawag sa NBI dahil sa video scandal


MANILA – Ipatatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang magkasintahan na sina Dr. Hayden Kho at celebrity cosmetic surgeon na si Dra Vicki Belo kaugnay sa kumakalat na sex footage na kinasasangkutan ng aktres na si Katrina Halili. Sinabi ni NBI assistant regional director Vicente de Guzman III, na ipinatawag din sa Biyernes ang isang Eric Johnston Chua, hinihinalang nag-upload ng sex video sa Internet. “We already sent the subpoenas to them," ayon kay De Guzman. Inaasahan na sisipot si Kho tanggapan ng NBI sa Maynila dakong 10:30 a.m. at si Belo dakong 1:30 p.m. Ang subpoena kina Kho, Belo at Chua ay ipinalabas ng NBI isang araw matapos magreklamo si Halili [Maria Katrina Irene P. Halili sa tunay na buhay] dahil sa pagkalat ng sex footage sa Internet kasama umano si Kho. Bagaman kinumpirma ni Halili na siya ang babae sa video, hindi pa nagbibigay ng komento o kumpirmasyon si Kho kung siya ang lalaki sa video. Bumalik si Katrina sa NBI nitong Huwebes upang kumpletuhin ang kanyang testimonya at sumailalim sa psychological evaluation na kasama sa proseso ng imbestigasyon. Sinabi ni De Guzman na tutukuyin ng NBI kung sino ang responsable sa pag-upload ng video sa Internet. Iginiit ni Halili na hindi niya batid na kinukunan ng video ang kanyang maselang eksena ang lalaki na sinabing si Kho. Ipinatawag naman si Belo, may-ari ng Belo Medical Group, matapos malaman ng NBI na may kopya rin siya ng video. “Tatanungin namin kung bakit mayroon siyang kopya at kung saan niya ito nakuha," ayon kay De Guzman. Sinabi ni NBI director Nestor Mantaring na may nagsabi sa kanila na nakabalik na sa bansa sina Belo at Kho mula sa Japan. “We monitored that they arrived in the country from Japan last May 16," ayon kay Mantaring. – GMANews.TV