Filtered By: Topstories
News

Villar ‘di patitinag sa C5 road inquiry


MANILA – Sa kabila ng desisyon ng Senate Committee of the Whole na ituloy ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na C-5 road project, nanindigan si dating Senate President Manny Villar nitong Huwebes na hindi siya makikibahagi sa pagdinig. Sa botong 12-0, nagpasya ang komite na pinamumunuan ni Senate President Juan Ponce Enrile ituloy ang pre-trial conference sa reklamo ni Sen Jamby Madrigal kay Villar sa Martes. “Sana maunawaan ng publiko na hindi po ako nawawalan ng paggalang sa Senado. Kahit kailanman, hindi po ako papayag na dumihan ang isang institusyon na maging halimbawa ng kawalan ng katarungan," ayon kay Villar. Iginiit nito na pulitika at konektado sa 2010 presidential elections ang isinampang kaso sa kanya at ginagamit ang Senado laban sa kanya. Hindi umano niya matanggap ang naging resulta ng botohan kung saan maging ang nagreklamo sa kanya na sina Madrigal at Lacson ay kasamang binilang ang boto. Kabilang din sa 12 bumoto ang mga “presidentiables" na sina Sens Lacson, Richard Gordon, Mar Roxas at Loren Legarda. “Tignan ninyo, pati ba naman ang complainant pati iyong nag-akusa sa akin, bomoto pabor sa sustansiya ng ebidensiyang inihain nila mismo," himutok ni Villar. “Hindi naman tama na pati ang complainant at accuser ko ay bumoto." Sinabi ni Villar na sa publiko na lamang siya magpapaliwanag dahil sa paniwala na mayroon ng desisyon ang mga senador na mag-iimbestiga sa kanya. “Kaya ayaw ko ngang sumali, pero ayaw ko naman na isipin ng taumbayan na ayaw kong lumahok. Mas makabubuting sa taumbayan ko na lamang ilahad ang buong katotohanan sa pamamaraan ng maiintindihan nila ang katotohanan," pahayag nito. Binatikos din ni Villar ang pasaring ni Lacson na dinala nito sa ibang proyekto ang media nang magsagawa ocular inspection sa kontrobersiyal na kalsada. “Nakakainsulto naman sa media iyon na parang pinapalabas niya (Lacson) na ganun na lang kadaling lokohin ang mga taga-media. Mali yun, mataas ang respeto ko sa media," pahayag ni Villar. Plano naman ng minorya sa pamumuno ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., at Sen. Alan Peter Cayetano, na iakyat sa Korte Suprema ang kaso ni Villar para kuwestiyunin ang sinusunod na panuntunan ng komite ni Enrile. Nagbabala naman si Sen Joker Arroyo na mapanganib ang ginagawa ng mga senador sa kaso ni Villar dahil magiging halimbawa ito at maaaring gawin muli sa hinaharap sa isang senador na ituturing front runner sa panguluhang halalan. – GMANews.TV