Filtered By: Topstories
News

Posisyon ng 'VP' target ni Sec Puno sa 2010 polls


MANILA – Mula sa pagiging timon sa likod ng panalo ng mga nagdaang presidente, susubukin mismo ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na ipapanalo ang sarili bilang bise presidente ng bansa sa 2010 elections. Ito ay matapos ihayag ni Puno nitong Martes ang kanyang plano na lumahok sa nominasyon ng sa magsasanib na KAMPI-Lakas-CMD party na makuha ang basbas ng administrasyon bilang kandidatong bise presidente. Sa pulong balitaan sa huling national council meeting ng KAMPI (Kabalikat ng Malayang Pilipino), inihayag ni Puno ang kanyang interes na sumali sa 2010 elections bilang running ng mapipiling standard bearer ng KAMPI-Lakas-CMD. Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Sen Juan Miguel Zubiri, secretary general ng Lakas-CMD, na sina Vice President Noli de Castro at Defense Sec Gilbert Teodoro na lamang ang pinagpipilian na pambato ng administrasyon sa 2010 national elections. Ayon kay Puno, hanggang ngayon ay wala pang malinaw na pangalan na lumulutang sa Lakas at Kampi na nais tumakbong bise presidente sa 2010. Sakaling mapili si Puno, makakaharap niya sa naturang posisyon si Sen. Francis Pangilinan na tatakbong indepedyente bagaman kasapi ito ng Liberal Party ni Sen Mar Roxas. “I have no pretensions of having the qualities of who are already there…I will serve the next president loyally and truthfully and live up to the challenges," ayon kay Puno. Minsan nang pinuna ni Sen Miriam Defensor Santiago ang pananatili ni Puno bilang kasapi ng Gabinete mula kay dating Pangulong Fidel Ramos, Joseph Estrada at ngayon kay Pangulong Gloria Arroyo. Sinabing ang malawak na “karanasan" ni Puno sa halalan ang dahilan ng panalo nina Ramos, Estrada at Arroyo. Umaasa umano si Puno na makukuha nito ang suporta sa nominasyon ng mga kasapi ng Lakas dahil marami rin siyang mga kaibigan sa partido at hindi lang sa Kampi kung saan siya ang tumatayong tagapangulo. “But I will do a lot of convincing of Lakas members," ayon kay Puno na nagbigay ng garantiya na manatili sa administrasyon kung hindi niya makuha ang nominasyon bilang vice presidential candidate ng Lakas-Kampi-CMD. - GMANews.TV