Filtered By: Topstories
News

Pagsasanib ng Lakas at Kampi minaliit ni Estrada


MANILA – Tinawanan lang ni dating Pangulong Joseph Estrada ang napipintong pagsasanib puwersa ng dalawang partido ng administrasyon na Lakas-CMD at Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi) na itinatag ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Sa panayam kay Estrada ng isang himpilan ng radyo, sinabi nito na walang pagbabago kahit magsanib ang Lakas at Kampi dahil kapwa partido ito ng administrasyon na nagkukunwaring magkahiwalay. "Alam mo, ‘yang Lakas at Kampi noong araw pa lang iisa na ‘yan. Kunwa-kunwari lang (na) hiwalay ‘yan pero iisa lang ‘yan, sa isang tao lang nagdi-direct ‘yan," pahayag ng dating pangulo sa panayam ng dzXL radio nitong Miyerkules. Ang pagsasanib ng Lakas at Kampi ay bilang paghahanda sa 2010 elections kung saan inaasahang maglalabas sa nominasyon bilang standard bearer sina Vice President Manuel “Noli" de Castro Jr. at Defense Secretary Gilbert Teodoro. Nagpahayag naman ng interes si Interior Secretary Ronaldo Puno na tumakbong bise presidente sa ilalim ng pinagsanib na puwersa ng Lakas at Kampi. Bukod kina De Castro at Teodoro, interesado rin na maging pambato ng administrasyon si Chairman Bayani Fernando ng Metro Manila Development Authority, bagaman hindi siya umaangat sa mga survey ng presidentiables. Unity sa oposisyon Sa kabila nito, hindi pa rin umano nawawalan ng pag-asa si Estrada na magkakaisa rin ang lahat ng grupo sa oposisyon at makapagpapatakbo ng iisang kandidato sa panguluhan sa Mayo 2010. Kabilang sa hanay ng oposisyon ang Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) at Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na pinamumunuan ni Makati City Mayor Jejomar Binay. "Ang opposition naman siyempre maraming magkakasama-sama. Ang PMP, PDP at ibang partido kamukha ng nakaraang eleksyon ang senador lahat ‘yan nagsasama-sama sa isang partido," paliwanag ni Estrada. Kasama rin hanay ng oposisyon ang mga partidong Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni Sen Manny Villar at Liberal Party (LP) ni Sen. Mar Roxas. Nagbitiw si 'Migz' Inihayag din ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nagbitiw na siya sa kanyang posisyon bilang secretary general ng Lakas-CMD upang bigyan daan ang paghirang ng mga bagong pinuno sa pagsasanib ng Lakas at Kampi. "I thank Lakas-CMD for the opportunity to serve it, and wish the new Lakas-Kampi alliance the best of everything," ayon kay Zubiri. "I know that out of the combined talents of the two will emerge a leadership which can win elections on both strength and numbers and force of ideas and who can dominate the battle for precincts, as well as principles." Umaasa umano ang senador na maaayos ang mga gusot sa dalawang partido na nagiging hadlang para sa pagsasanib ng Lakas at Kampi. "I fervently hope that with this unified party, we will be able to transcend our personal interests and move toward a direction wherein we transform ourselves into a party geared towards dedicated, sincere and transparent public service, as well as manifesting that our governance is set by leadership through example," ayon sa senador. – GMANews.TV