Filtered By: Topstories
News

Sec Puno pinagbibitiw dahil sa pag-amin na target ang VP post sa 2010


MANILA – Hiningi ng isang senador ang pagbibitiw sa puwesto ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno matapos ihayag ang kanyang intensyon na tumakbong bise presidente sa 2010 national elections sa panig ng administrasyon. Sinabi ni Sen. Mar Roxas nitong Miyerkules na dapat magbitiw kaagad si Puno upang hindi pagdudahan ng publiko na gagamitin nito ang posisyon upang suportahan ang kanyang personal na interes sa darating na halalan. “Kung totoo na ito ang kanyang balak, mabuti siguro na magbitiw na siya o magsabi na siya kung ano ang plano niya, kung kailan siya magbibitiw sa kanyang tungkulin," ayon sa senador. Nilinaw ng mambabatas na wala umanong masama sa pahayag ni Puno na tumakbo sa halalan pero dahil maselan ang hawak nitong posisyon ay dapat pa rin siyang magbitiw sa tungkulin. “Napakaselan ng kanyang tungkulin bilang secretary ng Interior and Local government. Hawak niya ang mga mayors, governors, local government officials sa kanya nagre-report. At kung lalahok si Sec. Puno sa halalan, maganda na sa maagang panahon ay magbitiw na siya," paliwanag ni Roxas. Wala namang nakikita masama sina Sen. Miriam Defensor Santiago, Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada at Senate President Juan Ponce Enrile sa paghayag ni Puno na sumali sa halalan sa 2010. Pero payo ni Santiago, dapat pag-aralan ni Puno kung hawak nito ang tatlong katangian na kailangan para manalo ang isang kandidato - popularidad, pondo at organisasyon. “It is a declaration of ambition by Sec. Puno. Normally a person should entertain the ambition to run for national public office if he has three factors that he is reasonably sure is in his pocket before the campaign even starts," ayon kay Santiago. “These three factors are personal popularity, funding, whether it comes from an established party or from independent contributors and if he has an organization," idinagdag niya. Inihayag naman ni Estrada na kuwalipikado si Puno na kumandidato bilang bise presidente dahil malakas ang makinarya ng administrasyon. “He can be a formidable candidate as vice president because he has all the means, the resources and the machinery of the ruling party," sambit ni Estrada. Aminado si Enrile na malakas na kumbinasyon sa panig ng administrasyon sina Vice President Noli de Castro (bilang standard) at Puno (bilang vice presidente) sa 2010 elections. - GMANews.TV