Filtered By: Showbiz
Showbiz

Yasmien Kurdi to drop case vs. Baron Geisler


MANILA, Philippines – Ayaw na raw palakihin ng young actress na si Yasmien Kurdi ang isyu tungkol sa pambabastos umano sa kanya ni Baron Geisler kaya hindi na nito itutuloy ang pagsasampa ng kasong sexual harassment laban sa aktor. Sinabi ni Yasmien sa "Chika Minute" portion ng "24 Oras" ng GMA News nitong Miyerkules, na sapat na sa kanya ang ginawang pagpapa-blotter sa nangyaring insidente sa kanila ni Baron na dahilan ng pagsugod niya sa Women's Desk Section sa Camp Crame noong Lunes. “Wala naman akong plano na palakihin pa ito, gawin pa itong malaking isyu or something. Sabi ko nga po sa lawyer ko na tigilin na rin po natin, okey na po ‘to, nakuha [ko] na seguridad yun lang po ang kailangan ko. Hindi naman po kailangan na mag-down pa ng tao," paliwanag ng aktres. Ipinapaubaya naman ni Atty. Ferdinand Topacio sa kanyang kliyenteng si Yasmien ang desisyon kung hihingi pa ang aktres ng public apology kay Baron. Sinabi ni Yasmien na nag-sorry na sa kanya si Baron sa text pero mas maganda din umano na mag-public apology ang aktor. Ayaw pa ring idetalye ni Yasmien kung ano ang mga ginawa sa kanya ni Baron kung saan napahiya umano siya. “Na-offend po ako. Naramdaman ko na na-degrade po yung pagkatao ko hindi ko po kinakaya na yung ganun na napapahiya po ako," paliwanag ng dalaga. Nakatakdang mag-taping si Yarmien sa Huwebes ng kanyang soap na "Suspetsa: SRO Sinemaserye" kung saan magkasama sila ni Baron. Handa na kaya ang aktres na maka-eksena ang binata? “Makakayanan ko naman siyang harapin basta after ng take, yung tantanan na nya ko. After ng take, wala na, wala nang anything," pahayag ni Yasmien. Nagpahayag naman ng suporta kay Yasmien si Yayo Aguila na nagsampa rin ng hiwalay na kaso ng act of lasciviousness laban kay Baron dahil sa pambabastos umano ng aktor sa anak ng aktres. Samantala, ikinatuwa naman ni Bonifacio Alentajan, abogado ni Baron, ang desisyon ni Yasmien na huwag ng ituloy ang demanda sa kanyang kliyente. "We welcome that decision of hers to spare both individuals from unnecessary heartaches and misunderstanding," ayon sa abogado. - Fidel Jimenez, GMANews.TV