Filtered By: Topstories
News

Pagsasanib ng Lakas-Kampi patunay na tuloy ang 2010 polls – Arroyo


MANILA – Patunay umano ang pagsasanib ng dalawang partido ng administrasyon na Lakas-CMD at Kampi (Kabalikat ng Mamamayang Pilipino) na tuloy ang halalan sa May 2010, ayon kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Huwebes. "Let this merger of Lakas and Kampi be tangible proof of our readiness, nay, determination, that the elections do push through," deklara ni Gng Arroyo sa pormal na pagsasanib ng Lakas-Kampi-CMD na ginawa sa Manila Hotel. Si Arroyo ang magsisilbing national party chairperson ng pinagsanib na partido. Ang pangulo rin ang pipili ng mga pansamantalang opisyal ng bagong partido. Tulad ng inaasahan, hindi dumalo sa pulong sina dating Speaker Jose de Venecia at dating Pangulong Fidel Ramos, kapwa nagtatag sa Lakas-CMD noong 1992. Wala rin si Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, dating presidente ng KAMPI, na nagpahayag ng pagtutol sa pagsasanib ng dalawang partido. Samantala, dumalo naman sina Vice President Noli de Castro at Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr, na kapwa pinagpipilian ng administrasyon na magiging pambato sa 2010 elections. Kapuna-puna naman na higit na malakas ang palakpak kay Teodoro kaysa kay De Castro nang kapwa ipakilala sila sa naturang pagtitipon. Una rito, inaprubahan ng mga kasapi ng national directorate at national executive committee ang limang resolusyon para sa pagsasanib ng Lakas at Kampi. Kabilang sa resolusyon na inapruhan ay pagsuporta ng mga kasapi ng dalawang partido sa mapipiling kandidato sa pambasang halalan sa 2010. Idineklara nina De Castro at Teodoro na posisyon lamang ng pangulo ang kanilang aasintahin at wala ng iba. Si De Castro ay nanatiling indepedyente, habang si Teodoro ay dating kasapi ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) na itinayo ng kanyang tiyuhin na si Eduardo “Danding" Cojuangco. Ngunit sina Sens. Francis Escudero at Loren Legarda ang pinagpipilian ng NPC sa listahan ng kanilang presidentiables. - GMANews.TV