Filtered By: Topstories
News

Sec Puno inalisan ni Arroyo ng puwesto sa PAOCC


MANILA – Matapos ihayag ang intensyong tumakbong bise presidente ng bansa sa 2010 elections, tinanggal ni Pangulong Gloria Arroyo si Interior Secretary Ronaldo Puno bilang vice chairman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Biyernes. Ang pag-alis kay Puno sa puwesto ay nakapaloob sa Executive Order 799 kasabay ng paghirang kay Susan Vargas, Deputy Executive Secretary for Finance and Administration bilang kapalit sa puwesto ng kalihim sa PAOCC. Sa kabila nito, mananatili namang miyembro ng PAOCC si Puno bilang kalihim ng DILG. Si Gng Arroyo ang tumatayong tagapangulo ng PAOCC. Nitong Martes, inihayag ni Puno na interesado siyang sumali sa gagawing kombensyon ng pinagsanib na Lakas-KAMPI-CMD upang maging kandidatong pangalawang pangulo sa panig ng administrasyon. - GMANews.TV