Filtered By: Topstories
News

Pagpaparehistro ng mga OFW para makaboto sa May 2010 hiniling na palawigin


MANILA – Nangangamba ang isang kongresista na maraming overseas Filipino workers na nasa ibang bansa ang mawawalan ng karapatang bumoto May 2010 elections kung hindi palalawigan ang panahon ng kanilang pagpapatala sa absentee voting. Dahil dito, nanawagan si Gabriela party-list Rep. Luzviminda Ilagan sa Commission on Election na palawigin hanggang sa Oktubre ang pagpapatala sa mga OFW na nakatakdang magtapos sa Agosto 31, 2009. Nais ng kongresista na irekonsidera ng Comelec ang ipinalabas na resolusyon noong Nobyembre 27, 2008 ng Commission on Overseas Absentee Voting na nagpapaigsi sa panahon ng pagpaparehistro ng Filipino Overseas Absentee Voters. “This would disenfranchise a huge number of Filipinos of their right to choose the country's next leaders," babala ni Ilagan. Ginamit umanong dahilan sa resolusyon ang pangangailangan na ipamahagi ang mga Data Capturing Machines (DCMs) sa mga embahada mula sa Maynila patungo sa iba’t-ibang embahada ng bansa sa abroad. Binigyang-diin pa ni Ferrer na mga baguhan at walang kakayanang teknikal ang mga tauhan sa embahada na hawakan ang DCM kaya kailangan ang sapat na panahon sa kanilang pagsasanay. Pero ayon kay Ilagan, tutol ang Migrante International, grupo ng OFW, na paigsiin ang panahon ng pagpaparehistro ng mga migrante at labag ito ang RA 9189 o ang Overseas Absentee Voting Act of 2003 na nagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga OFW na makaboto. Ayon sa kongresista, pawang mga land-based workers ang 361,231 OFWs na nagparehistro noong 2003, at 2,306 lamang sa mga ito ang sea-based workers o seafarers. Sa naganap na halalan noong 2007, sinabi ni Ilagan na 16 porsiyento o 81,732 lamang ng 503,894 OFWs na nagparehistro ang aktuwal na nakaboto. - GMANews.TV