Filtered By: Topstories
News

Malacanang umapela na itigil ang espekulasyon sa recession


MANILA – Umapela ang Malacañang nitong Sabado sa mga kritiko ng gobyerno na itigil ang pagpapakalat ng mga espekulasyon na mauuwi sa recession ang bansa dahil sa napakababang 0.4 porsiyentong paglago sa ekonomiya sa unang bahagi ng 2009. Sinabi ni Gary Olivar, deputy presidential spokesman for economic affairs, na ang mga Filipino ang magiging talunan kapag hindi itinigil ang mga espekulasyon dahil sinisira nito ang kumpiyansa ng mga namumuhunan sa ekonomiya ng bansa. “Napakalaki at napakahalagang bagay ang manatili ang kumpiyansa. Let us rise above partisan politics when it comes to matters of economic confidence," panawagan ni Olivar sa panayam ng dzRB radio. Kaagad na pinawi ng Malacanang nitong Biyernes ang pangamba na posibleng magkaroon ng recession sa bansa at magdulot ng pagkawala ng maraming trabaho dahil sa halos hindi pag-angat ng ekonomiya ng bansa sa unang bahagi ng taon. Paliwanag ni Olivar, maaari lamang ideklara na dumadanas ng recession ang bansa kapag nagkaroon ng dalawang ulit na negatibo o walang pag-angat sa ekonomiya sa mga susunod na bahagi ng taon. “Let us stay with the numbers, iwasan natin ang mga objective sa pulitika," hiling ng opisyal. - GMANews.TV
LOADING CONTENT