Filtered By: Topstories
News

Anti-con-ass rally dinagsa sa Makati


MANILA – Libu-libong tao na tutol sa isinusulong na Constituent Assembly (Con-ass) sa Kamara de Representantes ang sumugod sa Makati City nitong Miyerkules . Batay sa pagtaya ng mga sumama sa kilos-protesta, aabot umano sa 20,000 tao ang sumali sa demonstrasyon na kinabibilangan ng ilang pulitiko, lider ng oposisyon, mga kritiko ng administrasyong Arroyo at mga militante. Kabilang sa mga sumali sa protesta ay sina Senador Manuel Roxas II, Benigno “Noynoy" Aquino III, Rodolfo Biazon, Francis Escudero, Pilar Juliana Cayetano, at Panfilo Lacson. Nakita rin sa pagtitipon sina dating Senate President Franklin Drilon, dating Trade Sec. Cesar Purisima, dating Education Sec. Florencio Abad, Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, dating House Speaker Jose de Venecia Jr. at asawa nitong si Gina De Venecia. Umulan ng confetti sa kahabaan ng Paseo de Roxas Avenue nang dumaan ang mga nagpoprotesta bitbit ang makukulay na mga banner at effigies. Hindi naman nakarating sa rally ang mga kilalang kritiko ng administrasyon na sina dating Pangulong Cory Aquino at Joseph Estrada. Nasa labas umano ng Pilipinas si Estrada, habang nagpapagamot sa sakit na kanser si Gng Aquino. Sa kabila nito, nagpaabot naman sila ng kani-kanilang mensahe laban sa anumang hakbang na amyendahan ngayon ang Saligang Batas. Sinabi naman ni Makati Mayor Jejomar Binay, presidente ng United Opposition, na hindi siya magsasalita sa ibabaw ng establado ngunit sasama siya sa martsa ng mga nagpoprotesta. Nagsimulang dumagsa ang mga demonstrador sa Ayala Avenue sa Makati City nitong hapon ng Miyerkules at mapayapang nagtapos dakong 8 p.m. Sinabi ni NCRPO head Chief Superintendent Roberto Rosales na 5,000 pulis ang ipinakalat niya sa Metro Manila para tiyakin ang kaayusan habang ginaganap ang kilos-protesta. Minaliit naman ng Press Secretary Cerge Remonde ang pagtitipon sa Makati at sinabing normal ang trabaho sa Malacanang. “It’s another day at the office. The business of governance and serving the people continues," ayon sa opisyal sa panayam ng GMANews.TV. Kabilang sa mga pagtitipon na dinaluhan ni Gng Arroyo nitong Miyerkules ay ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. sa Pasay City. Naging bisita rin ng pangulo sa Malacanang si Brillante Mendoza, ang Pinoy na nagwagi ng Best Director award sa prestihiyosong Cannes Film Festival. - GMANews.TV