Filtered By: Topstories
News

Kapatid ng aktres natagpuang nakasilid sa sinimentong drum


MANILA – Mapait ang wakas sa mahigit dalawang taong paghahanap ng dating beauty queen at aktres na si Rochelle Barrameda sa kanyang kapatid na si Ruby Rose Barrameda-Jimenez matapos itong makitang nakasilid sa sinimentong drum, at nakalagay pa sa sinementong kahon na bakal. Nadiskubre ng mga operatiba ng National Capitol Regional Police Office (NCRPO) nitong Miyerkules ang kahon na bakal sa karagatang sakop ng Navotas matapos ang dalawang araw na maghahanap. Sa ulat ni Steve Daylisan sa GMA news’ 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, isang impormante umano na hawak ng mga pulis ang nagturo sa lugar kung saan inihulog ang kahon na bakal na pinaglagyan kay Ruby Rose. Tinatayang may bigat dalawang tonelada ang kahon na bakal at hindi naging madali ang pagbukas nito sa crime laboratory ng Philippine National Police. “Sa imbestigasyon namin sinabi niya (informant) na isang babae ang nasa loob n’yan at hanggang ngayon ay iniimbestigahan namin. Para kami makasigurado isinabmit namin sa crime lab (para) magka-meron sila forensic analysis," ayon sa nakapanayam na imbestigador. Nakumpirmang labi ni Ruby Rose ang bangkay sa loob ng kahon na bakal nang makita mismo ni Rochelle ang suot na damit at hikaw ng biktima. Hinala ng pamilya Barrameda, may kinalaman ang asawa ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez III sa sinapit ng biktima. Mariin namang itong pinabulaanan ng abogado ni Jimenez, ayon kay Daylisan. “Hindi makatao, hindi makaano para ilagay ka sa drum, hindi ka pa nakontento sinemento mo pa," umiiyak na pahayag ni Rochelle. “Ang kapal-kapal ng mukha ninyo para sabihin nyo na wala kayong alam, ang kapal ng mukha nyo. Sana kung ano man ang nararamdaman naming, maramdaman nyo rin, maramdaman ng pamilya nyo," idinagdag ng aktres. Sa panayam nitong Huwebes sa dzBB radio, sinabi ni Rochelle na hindi sila titigil hanggat hindi nakakamit ang hustisya sa sinapit ng kapatid. Kinumpirma rin ni Superintendent Elma Galero ng PNP Crime Laboratory na kapatid nga ni Rochelle ang biktima sa sinimentong kahon na bakal batay sa dental records ng biktima. Sabwatan Ayon kay Rochelle, may impormasyon sila na ginawa ang krimen sa kapatid sa Buena Suerte Jimenez fishing company sa Navotas City na pag-aari ng tiyuhin ni Manuel III. “Nagkaroon kami ng lead na ang may kagagaawan nito ay si Atty. Manuel Jimenez Jr., Manuel Jimenez III, and kasama rin dito ‘yong uncle niya na may-ari ng Buena Suerte Jimenez sa Navotas. Doon ginawa at doon din itinapon," ayon sa aktres. Sinabi ni Rochelle na inamin ng kapatid niya na may problema sila sa pagsasama ni Manuel III. Pinagbantaan na rin umano ni Manuel III si Ruby Rose na papatayin. “Sinaktan siya (Ruby Rose). Sinabi na papatayin siya. Na-witness ‘yon ng anak nila," kuwento pa niya. Humingi umano si Ruby Rose ng proteksyon sa korte laban sa asawa ngunit hindi ito napagbigyan. Idinagdag ni Rochelle na hindi nakipagtulungan sa kanila ang pamilya Jimenez para hanapin ang kanyang kapatid. Iginiit naman ni Atty Mario Aguinaldo, abogado ng mga Jimenez na walang dahilan para ipapatay ng kanyang kliyente ang biktima. Tiniyak naman ni Chief Superintendent Roberto Rosales, hepe ng NCRPO, na tutulong sila sa mga Barrameda para matukoy ang utak sa karumal-dumal na pagpatay kay Ruby Rose. Inihahanda na umano ng NCRPO ang isasampang kaso laban sa mga suspek. Nag-alok din ng tulong si Dante Jimenez, founding chair ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at sinabing tutukan nila ang kaso. “This one’s almost a perfect crime," ayon kay Jimenez, walang kaugnayan kay Manuel III. - GMANews.TV