Filtered By: Topstories
News

Comelec, Smartmatic ipatatawag sa Senado


MANILA – Ipatatawag ng Joint Congressional Oversight Committee on poll automation ang mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at ang nanalong bidder sa P11 bilyon poll automation project na Smartmatic upang tanungin kaugnay sa paghahanda sa 2010 presidential elections. Sinabi ni Sen Francis Escudero, tagapangulo ng komite, itinakda niya sa Hunyo 23 ang pagdinig upang ipasagot sa mga opisyal ng Comelec at Smartmatic ang ilang nakabiting katanungan tungkol sa nalalapit na halalan. “I’d like especially to know if they are ready to immediately shift to a credible and quick manual count if any of the worst-case scenarios happen. We can’t afford to have a failure of elections next year," ayon sa senador. Sa anim na kumpanya na sumali sa bidding, idineklara ng Comelec nitong linggo na ang Smartmatic ang nagwagi sa bidding ng P11.223 bilyong poll automation project. Ayon sa senador, kukuwestiyunin niya kung paano makakaapekto ang pagkakaantala ng awarding ng kontrata sa preparasyon ng Comele para sa 2010 polls partikular ang rehistrasyon ng mga bagong botante. “They assure us that the elections will push through. The question in most people’s minds is whether the first automated elections will work, whether it will reflect the will of the people," pahayag ni Escudero. Tiniyak din ng mambabatas na sakaling hindi magkasya ang panahon sa pagdinig sa Hunyo 23, magpapatawag muli ito ng pulong kahit nakabakasyon ang sesyon ng Kongreso. - GMANews.TV