Filtered By: Topstories
News

Hinala ni Rochelle: Kapatid may natuklasan kaya pinatahimik


MANILA – Hinihinala ni Rochelle Barrameda na may nagtuklasan ang kanyang kapatid na si Ruby Rose Barrameda Jimenez sa mga umano’y ilegal na aktibidad sa negosyo ng pamilya ng asawa nito kaya siya pinaslang. "Siguro kaya din nagawa nila ito kay Ruby siguro may alam siya tungkol dun sa nabalitaan namin na iligal na nagyayari sa BSJ [Buena Suerte Jimenez]," pahayag ni Rochelle sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Napag-alaman na noong 2008, sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation at Bureau of Internal Revenue ang warehouse ng Buena Suerte Jimenez fishing company sa Navotas City sa hinalang sangkot ito sa oil smuggling. Pag-aari ni Lope Jimenez, tiyuhin ni Manuel Jimenez III, na asawa ni Ruby Rose, ang kumpanya kung saan hinihinalang pinatay ang biktima. Nakita ang mga labi ni Ruby Rose noong Miyerkules ng gabi sa karagatang sakop ng Navotas. Nakasilid ito sa drum na sinemento at inilagay pa sa kahon na bakal na sinemento rin. Ayon sa pulisya, kasama sa iimbestigahan nila ang hinala ng mga Barrameda, pati na ang lima pang ibang kaso ng pagpatay na sinabi umano ng kanilang impormante na si Manuel Montero. Si Montero ay kasama umano sa pumaslang kay Ruby Rose at siya ring nagturo sa pulisya kung saan nila itinapon ang kahon na bakal na pinaglagyan sa biktima. Kakasuhan ng murder Nitong Huwebes, inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na inihahanda na ang isasampang kasong pagpatay kay Ruby Rose sa pitong tao kasama na sina Lope at Atty. Manuel Jimenez II, ama ni Manuel III. Kasama rin sa kakasuhan sina Eric Fernandez, Spike Discalzo, Roberto Ponce alias Abet, Rudy de la Cruz at si Montero. Sinasabing Disyembre 2006 nang maghiwalay sina Ruby Rose at Manuel III. Naghain ng Temporary Protection Order and Writ of Habeas Corpus sa Las Piñas Court si Ruby Rose para sa kostudiya ng kanilang dalawang anak. Sa panayam kay Manuel II, sinabi nito na hindi pa tapos ang kaso sa kostudiya ng mga batas dahil sa biglang pagkawala ni Ruby Rose. Huli umanong nakausap ng mga Barrameda ang biktima noong Marso 2007. sa hiwalay na panayam nitong Biyernes sa 24 Oras, sinabi ni Manuel III, hinihintay niya si Ruby Rose na bibisita sa kanilang bahay para makita ang mga anak pero hindi ito nakarating. Biktima rin Nakiusap naman ang abogado ng mga Jimenez na si Atty. Mario Aguinaldo, na huwag pairalin ang emosyon sa paghahanap ng katarungan kay Ruby Rose. Aniya, posibleng may grupo na nagsamantala sa sitwasyon tungkol problema ng mag-asawa at ginawa ang krimen para siraan at mapagbintangan ang pamilya Jimenez. “This is a frame-up. When these people learned that the couple has cases in court, they grabbed the opportunity to aggravate the situation and destroy the [Jimenez] family," ayon kay Aguinaldo. Bukod sa commercial fishing, may sakahan at poultry farm umano ang mga Jimenez sa Cavite, at ilang gasoline stations. Ayon kay Aguinaldo, nag-away ang mag-asawang Ruby Rose at Manuel III noong Enero 2007 nang malaman ng lalaki na ipinagpalit umano ng biktima ang iniregalo nitong diamond earring sa kapatid na si Rochelle. Umalis umano ng bahay si Ruby Rose at hindi na bumalik. Kasunod nito ang pagsasampa ng biktima ng Temporary Protection Order sa korte dahil sa alegasyon na sinaktan siya ng asawa pero ibinasura ito ng hukom na humawak sa kaso. Sumunod naman ang pagsasama ni Ruby Rose petisyon sa korte ng Writ of Habeas Corpus para sa dalawang anak na hanggang ngayon ay nakabinbin dahil sa pagkawala niya. Sinabi ni Manuel III na ipinaalam na niya sa panganay nilang anak ang nangyari sa ina. Hindi umano niya pipigilan ang bata kung hilingin nito na bumisita sa burol ng ina. Iginiit naman ni Aguinaldo na walang balak ang kanyang mga kliyente na mangibang bansa para takasan ang kaso. Nangangalap na rin umano sila ng katibayan para patunayan na ibang tao ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen. Nanindigan din ang kampo ng mga Jimenez na “hearsay" ang alegasyon na sangkot ang mga ito sa krimen sa kabila ng testimonya ng testigong si Montero. Kung may kinalaman umano ang mga Jimenez sa krimen, sinabi ni Aguinaldo na hindi ipatatapon ang pinaglagyan sa biktima na malapit sa lugar ng mga ito sa Navotas. “If they [the Jimenez family] did it, they should have dumped it to higher seas or even transported the body abroad, but not bring it somewhere near their own property," depensa ni Aguinaldo. Wala rin umanong katotohanan na hindi tumulong ang mga Jimenez sa paghahanap kay Ruby Rose, gaya ng alegasyon ng mga Barrameda, ayon sa abogado. - GMANews.TV