Filtered By: Topstories
News

Obispo sa Pampanga tutol na tumakbong kongresista si Arroyo


MANILA – Pinayuhan ng isang obispo ng Simbahang Katoliko sa Pampanga si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Martes na magpahinga na sa pulitika pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 2010. Kasabay nito, inihayag naman ni dating Senate President Manny Villar na karapatan ni Arroyo na kumandidatong kongresista sa Pampanga subalit mas makabubuting magretiro na lang ang Punong Ehekutibo. Sa panayam ng Radio Veritas kay Pampanga Bishop Pablo “Ambo" David, sinabi nito na mas makabubuting ipaubaya na lamang ni Gng Arroyo sa ibang pulitiko ang pamumuno sa lalawigan. Tiwala rin si David na mulat na ang isipan ng mga mamamayan ng Pampanga sa pagpili ng mga lider tulad ng pagkapanalo ni Gov Ed Panlilio noong 2007 elections. “Regardless who will run in Pampanga they have to be warned that the thinking of Kapampangan’s have had enough of ‘patronage politics.’ They express it in 2007 and they will express it even more in 2010 elections," paliwanag ng obispo. Sinabi ni David na hindi si Panlilio ang mirakulong nangyari sa halalan sa Pampanga kung hindi ang pagtalikod ng mga tao sa mga pulitiko na tinawag niyang imoral. “The real miracle in Pampanga was not Gov. Ed Panlilio but the moral force that dared to go against the immoral politics of the underworld. Alam na ng mga taga-Pampanga kung sino ang karapat-dapat iluklok sa puwesto," idinagdag niya. Sa hiwalay na panayam ng media sa Cebu, sinabi ni Villar na makabubuti sa isang pulitiko na magpahinga na kapag naabot na nito ang pinakamataas na posisyon sa bansa. “Personally ang tingin ko, kapag naging pangulo ka na dapat siguro mamahinga ka na. Pero (kung) iyan ay opinyon niya, (at) gusto niyang tumakbong (kongresista), okay lang iyon. Huwag lang maging member of the parliament ang pakay," paliwanag ni Villar. Sinabi ng senador na pagdududahan ang tunay na plano ni Arroyo sa pagtakbong kongresista dahil sa ingay na nililikha ng pagkilos na amyendahan ang Konstitusyon at gawing parlamentayo ang sistema ng gobyerno mula sa kasalukuyang presidensiyal. - GMANews.TV