Filtered By: Topstories
News

Clark airport alternatibong paliparan ng mga OFWs


Dumadami na umano ang bilang ng mga overseas Filipino worker (OFW) na pinipiling sumakay ng eroplano sa Diosdado Macapagal International Airport (DMIA) sa Clark Freeport, Pampanga kaysa sa nakagawiang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City. Inihayag ito ni Victor Jose Luciano, presidente at chief operating officer ng Clark International Airport Corporation, matapos magtala ang paliparan ng pagtaas ng bilang ng mga pasaherong dumadaan sa DMIA ngayong taon. Ayon kay Luciano, kumpara sa unang apat na buwan noong 2008, tumaas ng 29 porsyento ang bilang ng mga pasaherong dumadaan sa DMIA sa unang apat na buwan ng 2009. “Hindi pa namin nararamdaman ang recession at flu pandemic," pahayag ng opisyal matapos isinagawa ang product update roadshow ng DMIA sa Malolos City nitong Huwebes. Nitong Mayo, sinabi ni Luciano na tumaas ng 26 porsyento ang bilang ng pasahero sa DMIA. Mula sa 7,000 pasahero sa unang taon ng operasyon ng DMIA noong 2006, sinabi ni Luciano na umabot na sa 650,000 ang naging pasahero ng DMIA ngayong nasa kalagitnaan pa lang ang 2009. Ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero ng DMIA ay iniuugnay sa pagdami ng mga OFW na umaalis at bumabalik ng Pilipinas gamit ang paliparan sa Clark. Sinabi ni Luciano na 25 porsyento ng kabuuang bilang ng pasahero sa DMIA ay mga OFW. Inaasahan umano na aabot sa dalawang milyon ang pasahero sa DMIA kapag natapos ang konstruksyon ng Terminal 2 ng paliparan sa 2011 na tinatayaang gagastusan ng P6 bilyon. Tatlong international consortium ang nagpakita ng interes na sumali sa bidding ng Terminal 2, idinagdag ng opisyal. “It our way of preparing to become the premier airport in the country,’ paliwanag ni Luciano bilang paghahanda sa DMIA. Sinabi nito na halos 50-taon na ang NAIA at maging ang Mactan-Cebu International Airport (MCIA), kaya malapit ng maabot ng dalawang paliparan ang saturation point sa mga susunod na taon. Asahan na madadagdagan din umano ang mga airline na gumagamit sa DMIA mula sa Middle East matapos ang matagumpay na negosasyon ng CIAC sa Kuwait, United Arab Emirates at Qatar. Ang DMIA ay matatagpuan sa inabandonang US military base sa loob ng Clark Field, at itinuturing ng administrasyong Arroyo na susunod na premier international gateway at center for logistics and services hub sa Asia-Pacific Region. - GMANews.TV