Filtered By: Topstories
News

2 anak ni Sen Estrada positibo sa A(H1N1); Kaso sa RP mahigit na sa 600


MANILA – Kinumpirma ni Senate President Jinggoy Estrada nitong Miyerkules na nagpositibo sa Influenza A (H1N1) virus ang kanyang dalawang anak. Mabilis namang idinagdag ng senador na nasa kanilang bahay lamang ang dalawang anak at halos magaling na. Ayon kay Estrada, ang isa nitong anak na tinamaan ng virus ay 19-anyos na babae at nag-aaral sa Dela Salle University, Taft. Ave., sa Maynila. Pagkaraan ng tatlong araw, sumunod na nagpositibo ang kanyang 15-taong-gulang na anak na lalaki na nag-aaral naman sa Xavier School sa San Juan. Kapwa dinala sa pagamutan ang dalawang bata ng senador noong nakaraang Linggo at pagkaraan ay pinauwi na sa bahay para doon na ipagpatuloy ang pagpapagaling. Matatandaan na kagagaling lamang ni Estrada sa ilang bansa sa Gitnang Silangan para alamin ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) doon. Kabilang ang Dela Salle-Taft sa mga unibersidad na nagsuspindi ng klase matapos magpositibo sa A(H1N1) ang ilan sa kanilang mga estudyante. RP tally at 604 Samantala, inihayag ng Department of Health na lumobo na sa 604 ang kumpirmadong kaso ng A(H1N1) virus sa Pilipinas. Ito ay matapos mairehistro nitong Miyerkules ang 131 bagong kaso ng virus – pinakamarami sa loob ng isang araw. Kabilang sa nadagdag sa listahan ang isa pang empleyado sa Kamara de Representantes. Matatandaan na isang kawani ng kongresista ang unang kaso ng pagkamatay sa Pilipinas na may kaugnay sa naturang virus na kalat na ngayon sa buong mundo. Sa kabila nito, binigyan-diin ni Health Secretary Francisco Duque III na 464 pasyente na ang ganap na gumaling sa sakit na idinudulot ng A(H1N1). Sa panayam kay Dr. Richard Dizon, pinuno ng Medical and Dental Clinic sa Kamara, sinabi nito na tatlo na ang kabuuang kaso ng A(H1N1) sa Kamara kasama na ang nasawing 49-anyos na babae noong Biyernes. Tumanggi si Dizon na kilalanin ang bagong tinamaan ng virus, maliban sa 40-anyos ito, lalaki, at nagpapagaling na sa isang hindi tinukoy na ospital. Iniutos ni Speaker Prospero Nograles nitong Martes na isara ang Kamara sa loob ng 10-araw matapos makumpirma ang unang kaso ng A(H1N1) sa kapulungan. Ayon sa isang source, malaki ang posibilidad na nahawa ang lalaki sa kawani na namatay sa komplikasyon ng A(H1N1) dahil magkasama sila sa iisang komite. Inamin din ni Dizon na may iba pang kawani sa Kamara na isinalang sa swab test o pagkuha ng likido sa dila, matapos silang magpakita ng sintomas ng sakit tulad ng lagnat, ubo at sipon. Idinagdag naman ni South Cotabato Rep. Arthur Pingoy, pinuno ng House committee on health, na inaasahan nila na madadagdagan pa ang kaso ng A(H1N1) sa Kamara matapos ang pagkakatuklas na isang kawani nila ang nagpositibo sa bagong uri ng virus. "We're expecting na may mga positive pa tayo na case after makuha yung result," pahayag ng kongresista. Outbreak Ayon kay Duque, kabilang sa 131 bagong kaso ay 66 na babae at 65 lalaki. May edad sila na mula dalawang taon hanggang 67-anyos. Lumitaw din na 14 lamang sa bagong kaso ang dayuhan habang ang natitirang 117 ay pawang mga Filipino. Inihayag ni Duque na mayroong low-level outbreak ng A(H1N1) sa ilang bahagi ng Metro Manila lalo na sa mga lugar na malapit sa paaralan na nagkaroon ng positibong kaso ng virus. “In Manila, we have a low-level community outbreak. Our low-level community transmission is not for the entire Metro Manila. Our [declaration] is area specific, school specific," paliwanag ng kalihim. Ang community outbreak ay paglaganap ng sakit sa isang komunidad tulad ng barangay , bayan o lungsod. Tinukoy ni Duque na kabilang sa mga lugar na may low-level transmission ay nasa Maynila, Quezon City at Parañaque. - GMANews.TV