Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pacquiao to fight Batista – but only in a movie


Maglalaban ang Pinoy boxing icon na si Manny Pacquiao at ang wresting champion na may dugong Pinoy na si Batista, ngunit hindi sa loob ng boxing o wrestling ring kundi sa pelikulang Wapakman. Ayon sa ulat ni GMA News reporter Bernadette Reyes sa Chikka Minute portion ng "24 Oras" nitong Miyerkules, sisimulan na ni Manny ang shooting para sa nasabing pelikula sa July kung saan magiging leading lady niya ang dugong Pinoy na si Nicole Scherzinger, ang lead singer ng grupong Pussycat Dolls. Ayon mismo kay Manny, may superpower siya sa nasabing pelikula, na ihahalintulad sa patok na comedy/action movie na “Kung Fu Hustle." “May superpower ako, tapos may mga anak ako…marami akong anak in that movie," masayang kuwento ni Manny. Ano naman kaya ang masasabi ni Manny sa kanyang seksi at magandang leading lady na si Nicole? “Masaya at karangalan ko na makasama ang isang Fil-am na sikat din," pahayag ng kinikilalang pambansang kamao ng Pilipinas. Pero kung sa laban ni Manny kay British ‘Hitman’ Ricky Hatton ay naging bodyguard niya ang wrestler na si Batista, na may totoong pangalan na David Michael Bautista, ito ngayon ang kanyang magiging mortal na kalaban sa “Wapakman." Kung papaano tatalunin ni Manny ang napakalaking si Batista, iyon daw ang dapat abangan ng mga manonood sa kanilang pelikula. Sa kabila ng pagiging abala sa showbiz, tiniyak naman ni Manny na hindi siya nagpapabaya sa paghahanda sa susunod na laban na posibleng gawin sa Oktubre. - GMANews.TV