Filtered By: Topstories
News

Balik mano-mano: Modernong eleksyon sa 2010 lumalabo - Melo


MANILA – Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) chairman Jose Melo nitong Martes na lumiliit ang tiyansa na maipapatupad ang modernong paraan ng halalan sa May 2010 dahil sa gusot ng mga kumpanyang magsusuplay ng makina. Ginawa ni Melo ang pahayag matapos umatras ang Total Information Management Corp. (TIM) sa business partnership sa kontrobersiyal na Smartmatic Corp na nakabase sa Bardados. Ang Smartmatic ang nanalo sa isinagawang bidding ng Comelec para magsuplay ng mga makina na gagamitin sa halalan sa 2010. Ang halaga ng proyekto para sa automated election ay aabot sa P11.3 bilyon. Sa panayam ng dzBB radio, inamin ni Melo na posibleng bumalik sa mano-manong sistema ang pagbilang ng boto dahil wala ng panahon para magsagawa ng isa pang bidding. “Gipit na gipit na tayo. Mahirap ‘yong nagmamadali. Huwag na muna tayong tumawag ng second bidding and let us prepare for manual," ayon kay Melo na pananaw umano ng kanyang kasamahan sa Comelec. Hindi naman nabanggit ni Melo kung sino ang kasamahan na bukas ng posibilidad na bumalik sa lumang sistema ng eleksyon.

"Ginawa namin lahat ng kung ano’ng magagawa namin. Ang preparation namin buong-buo, ready-ng ready na, (tapos) biglang umurong."
– Comelec Chairman Jose Melo
Sa ilalim ng batas, ang mga dayuhan ay pinapayagang sumali sa subasta ng mga proyekto ng gobyerno sa kondisyon na mayroon itong kapartner na lokal na kumpaya na sasagot sa 60 porsiyentong halaga ng proyekto. Kasama sa panuntunan sa isinagawang bidding ng Comelec na hindi maaaring maghanap ng ibang kasosyo sa proyekto ang Smartmatic ngayong umatras ang TIM. Magpupulong ngayong Martes ng hapon ang Comelec en banc upang talakayin ang susunod na hakbang sa pag-atras ng TIM at posibleng pagsasampa ng kaso sa kumpanya. “(TIM) can be penalized under Section 65 of Republic Act 9184," patungkol niya sa Government Procurement Reform Act. Sa ilalim ng batas, ang nanalong bidder na biglang umatras sa proyekto ay maaaring makulong ng mula anim taon hanggang 15 taon. Una rito, sinabi ni Melo nitong Lunes na ipinaalam sa kanya ni Jose Antunez, presidente ng TIM, na umaatras na ito sa proyekto dahil sa hindi pagkakasundo sa Smartmatic. Wala pang opisyal na pahayag na ibinibigay ang TIM at Smartmatic sa dahilan ng sigalot sa negosyo. Dahil sa hindi pagkakaunawaan ng TIM at Smartmatic, sinuspindi ni Melo ang pirmahan ng kontrata sa dalawang kumpanya sa poll automation. “Kapag wala pa (linaw sa TIM at Smartmatic) by Friday we may call off the whole thing because it would be too late," ayon kay Melo. Nanawagan naman si Melo sa publiko na unawain ang kanilang sitwasyon. "Ginawa namin lahat ng kung ano’ng magagawa namin. Ang preparation namin buong-buo, ready-ng ready na, (tapos) biglang umurong." - GMANews.TV