Filtered By: Topstories
News

Comelec umaasang maayos ang gusot ng TIM, Smartmatic


MANILA – Wala pa ring katiyakan kung matutuloy ang modernong paraan ng halalan sa Mayo 2010 sa kabila ng ipinatawag na pulong ng Commission on Elections (Comelec) para lutasin ang sigalot sa magkasosyong kumpanya na Smartmatic Corp. at Total Information Management (TIM) nitong Martes. “I told them in a joking manner that they will be the one to decide what type of marriage they will have: a marriage of convenience, a shotgun marriage or a real marriage," pahayag ni Comelec chair Jose Melo matapos ang pulong. Una rito, inihayag ni Melo na lumalabo ang tiyansa na matuloy ang automated elections matapos magdesisyon nitong Lunes ang TIM na kumalas sa pakikipagsosyo sa Smartmatic. Ang dalawang kumpanya ang nanalo sa isinagawang bidding ng Comelec para sa P11 bilyon poll automation project ng gobyerno. Bagaman tiniyak ng Smartmatic na nakabase sa bansang Bardados na kaya nilang isuplay ang mga makina na gagamitin sa modernong halalan kahit wala ang TIM, nakasaad naman sa batas na kailangang mayroong local counterpart ang mga dayuhang kumpanya. Sa kabila nito, umaasa pa rin ang mga opisyal ng Comelec na maayos ng dalawang kumpanya ang kanilang problema. Pagkatapos ng pulong, inabisuhan ni Melo ang mga kinatawan ng dalawang kumpanya na huwag munang magsalita sa media. Binalaan naman ni Sen. Francis Escudero, co-chairman ng joint congressional oversight committee on automated polls, ang Comelec na huwag makipagsosyo sa Smartmatic Corp. para ipatupad ang poll automation. "The Comelec is treading on dangerous ground. This option is fraught with possible legal and technical problems," babala ng senador na nagpahayag na iimbestigahan ang pag-atras ng TIM. Muli namang iminungkahi ni dating Comelec chair Christian Monsod na ipatupad muna ang “partial automated election" sa halip na gawin ang bagong sistema sa buong bansa. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Martes, ipinaalala ni Monsod ang nakaraang presidential elections noong 2004 na nagkaroon ng alegasyon ng malawakang dayaan.- GMANews.TV
LOADING CONTENT