Filtered By: Topstories
News

Listahan ng botante sa Negros Occ pinurga; 255,754 botante inalis


MANILA – Umabot sa 255,754 pangalan sa listahan ng mga botante sa Negros Occidental ang tinanggal matapos silang hindi bumoto sa nakalipas na dalawang halalan. Ang paglilinis sa listahan ng mga botante sa lalawigan ay ginawa bilang paghahanda sa May 2010 presidential elections. Sa ulat ng online news site na Visayan Daily Star nitong Miyerkules, sinabing kabilang sa inalis sa listahan ng Commission on Elections ang 8,903 botante na pumanaw na. Inihayag umano ni Provincial Election Supervisor Jessie Suarez na ginawa ang paglilinis sa listahan ng mga botante mula Disyembre 2008 hanggang Marso 2009. Sinimulan naman noong Disyembre 2, 2008 ang pagpaparehistro para sa 2010 elections at magtatapos ito sa Oktubre 31, 2009. Umaabot na umano sa 1,348,105 ang bilang ng botante sa Negros Occidental matapos madagdag sa listahan ang 26,703 bagong botante. Pinakamarami sa inalis na botante ay galing Bacolod City (53,013), kasunod ng Kabankalan (19,243); Bago City (16,532); Sagay (12,303); Talisay (12,096); Silay (11,343); Himamaylan (9,295); Victorias (9,039); San Carlos (8,738); Cadiz (7,251); Escalante (6,143); La Carlota (6,070); at Sipalay (2,994). Kabilang naman sa mga lugar sa bayan ng Negros Occidental na pinurga ng listahan ng botante ay nasa Binalbagan (6,195); Calatrava (5,546); Candoni (1,894); Cauayan (8,544); Don Salvador Benedicto (2,018); EB Magalona (3,855); Hinigaran (2,281); Hinobaan (2,030); Ilog (4,874); Isabela (4,558); La Castellana (6,687); Manapla (3,644); Moises Padilla (1,075); Murcia (4,660); Pontevedra (4,774); Pulupandan (2,197); San Enrique (2,481); Toboso (2,357) at Valladolid (3,121). Samantala, sinabi ni Suarez na ilang opisyal sa Comelec sa Western Visayas ang posibleng humiling na palitan si Dennis Ausan bilang regional director ng komisyon. Marami umanong kawani ng Comelec ang mababa ang moral dahil sa biglang patanggal ni Ausan kay Mavil Majarucon bilang pinuno ng Comelec sa Bacood. Inilipat si Majarucon bilang acting election officer sa Bago City bilang pagtalima sa ipinalabas na memorandum mula sa personnel department ng Comelec habang inaapela ng opisyal ang kanyang kaso. Idinagdag ni Suarez na nangangamba ang mga opisyal ng Comelec sa Westaern Visayas na baka mangyari sa kanila ang nangyari kay Majarucon. - GMANews.TV