Filtered By: Topstories
News

Sindikato ng 'dagdag-bawas' sa eleksyon nagdiriwang - Casino


MANILA - It all about money. Ito ang inihayag ni Makati Rep. Teodoro Locsin Jr., chairman ng House committee on suffrage and electoral reform, kaugnay sa paghihiwalay ng dalawang kumpanya na nanalo sa bidding para P7.2 bilyong poll automation sa May 2010. Sa isang media forum sa Quezon City nitong Miyerkules, iginiit ni Locsin na hatian sa kita ang ugat ng gusot ng lokal na kumpanya na Total Information Management Corp. (TIM) at dayuhang counterpart nito na Smartmatic Corp. na nakabase sa bansang Barbados. “The government has been pushing this (poll automation) vigorously. Those who are linking Malacañang to the break up are lying. It’s all about money," pagdiin ng kongresista. Sinabi ni Locsin na suportado ng Malacanang ang programa para maging moderno ang halalan sa May 2010 mula nang simulan ng Kongreso ang deliberasyon sa panukalang batas para sa automated elections. Kasabay nito, kinastigo ni Locsin si Sen. Francis Escudero na unang nagpahayag ng intensyon na imbestigahan ang pag-atras ng TIM sa kasunduan sa Smartmatic. Inakusahan ng kongresista si Escudero na kontra sa poll automation sa 2010 elections na inaasahang solusyon upang maiwasan ang dayaan sa bilangan ng boto. Dapat na rin umanong itigil ni Escudero ang pagkukunwari na nalulungkot ang senador na babalik sa mano-manong bilangan ang halalan. “Some people pretend to regret. Don’t cry because we are losers here. We are the only mourners in the funeral. Magsaya ka," patungkol ng kongresista kay Escudero. Una rito, isiniwalat ni Locsin na nag-ugat ang gusot ng TIM at Smartmatic nang humingi umano ng P500 milyong parte sa kontrata ang presidente ng TIM na hindi nagustuhan ng kampo ng Smartmatic.

Makikinabang dito ang sindikato sa Comelec, political operators sa dagdag-bawas. Happy days are here again and to the highest bidder
– Bayan Muna Rep. Teodoro Casino
Hindi naman nagbibigay ng pahayag ang mga opisyal ng TIM at Smartmatic tungkol sa kanilang problema dahil na rin sa utos ng Comelec. Sa isang pahayag, sinabi naman ni Palawan Rep. Antonio Alvarez na inaasahan nila na ibabato sa administrasyon ang sisi kapag tuluyang nabigo ang pagsasara ng kontrata sa poll automation sa Biyernes. “Sayang, people were looking forward pa naman sana for our rusty, tin ballot boxes to convert themselves ala-Transformers into modern automated voting machines," aniya. Sino ang masaya? Kung si Bayan Muna Rep. Teodoro Casino ang tatanungin, sinabi nito na ang higit na natutuwa sa pagkakabitin ng poll automation ay ang mga political operators na nasa likod umano ng sindikato ng dayaan tuwing eleksyon sa mano-manong bilangan ng boto. Suportado ni Casiño ang mungkahi na imbestigahan ang pag-atras ng TIM sa kasunduan upang malaman kung ano ang ugat sa gusot ng dalawang kumpanya. “Makikinabang dito ang sindikato sa Comelec, political operators sa dagdag-bawas. Happy days are here again and to the highest bidder," ayon sa militanteng kongresista. Umaasa naman si Speaker Prospero Nograles na gagamitin ng Commission on Elections ang political will nito para mapag-ayos ang dalawang kumpanya at matuloy ang modernong paraan ng halalan. “Comelec must find win-win solution to this mess. I believe in the integrity of the Comelec under Chairman Jose Melo and I have high hopes that he can still save the poll automation program," pahayag ng lider ng Kamara. - GMANews.TV