Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dennis Trillo talks about breakup with Christine Reyes


Matapos kumpirmahin ni Christine Reyes na nagkaroon sila ng relasyon ng Kapuso star na si Dennis Trillo, nagsalita na rin ang aktor kung ano ang dahilan ng kanilang hiwalayan. Sa panayam ni entertainment reporter Nelson Canlas, inamin ni Dennis na naging sila nga ng seksing aktres pero itinanggi nito na may third party na sangkot sa kanilang paghihiwalay ng landas. “Naghiwalay kami siguro almost, nang first time naming maghiwalay almost mga mag- iisang taon na… pero kasi ang relasyon (namin) sobrang on and off siya. Although tri-nay naming ayusin ilang beses kaya siya naging on and off," paliwanag ni Dennis sa Chika Minute portion ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Bagaman tumanggi si Dennis na magbigay ng detalye sa dahilan ng kanilang paghihiwalay ni Christine, iginiit niya na walang ibang tao na involve. “Yung ibang mga problema na yun, siguro ‘di talaga naming naayos so, ‘di namin nabigyan ng solusyon kaya nagresort sa total breakup talaga,’ aniya. Inamin din ng guwapong aktor na nakikipag-date na siya ngayon sa ibang babae at umaasa umano siya na magiging maayos na rin ang lovelife ng kanyang ex-girlfriend. Ngunit hindi umano ang lovelife ang prayoridad ni Dennis kundi ang kanyang trabaho at sa anak niya sa dating nobya na si Carlene Aguilar Bukod sa mga show sa GMA Network, abala si Dennis sa pagpo-promote ng kanyang pelikulang “Astig." “Hindi ko pipilitin na magka-girlfriend agad. Focus ako sa trabaho ko, sa pagiging tatay ko. Siyempre gusto kong mag-spend ng maraming time sa kanya," ayon kay Dennis. - Fidel Jimenez, GMANews.TV