Filtered By: Topstories
News

2 bomba sumabog sa Mindanao, 6 patay mahigit 40 sugatan


MANILA – Anim na tao ang patay at mahigit 40 iba pa ang sugatan sa magkahiwalay na pagsabog ng bomba na naganap sa Jolo at Iligan City sa Mindanao nitong Martes ng umaga. Sinabi ni Marines commandant Maj. Gen. Ben Dolorfino na naganap ang unang pagsabog ng isang improvised explosive device (IED) dakong 7:55 a.m. sa Brgy Poblacion sa harap ng Gotoling Hardware sa Sanchez Street sa Jolo, Sulu. Halos tatlong oras makaraan ang pagsabog sa Jolo, isa pang IED ang sumabog naman sa Iligan City, Lanao del Norte dakong 10:50 am na sumugat naman sa pitong tao kabilang ang tatlong sundalo. Ang dalawang magkasunod na pagsabog ay naganap makaraang sumabog ang isang IED sa tabi ng isang tindahan sa Cotabato City na katapat ng Immaculate Concepcion Cathedral noong Linggo. Limang tao ang nasawi at 29 ang nasugatan sa naturang pag-atake. Bago ang pag-atake sa Cotabato City, isang 60-millimeter mortar din ang sumabog sa Barangay Buayan sa Datu Piang, Maguindanao na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong tao. Sa kabila ng serye ng pambobomba sa Mindanao, nagpahayag ng pagdududa ang isang mataas na opisyal ng militar kung magkakaugnay ang mga pag-atake.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Inilagay sa motorsiklo Ayon kay Superintendent Jose Bayani Gucela, public information officer ng Philippine National Police (PNP) sa Western Mindanao, ang bomba na sumabog sa Jolo ay inilagay sa loob ng motorsiklo na tinatayang 100 metro ang layo sa isang simbahan ng mga Katoliko. Dalawa pa umanong IED na nakalagay sa kahon na hindi sumabog ang nakuha ng mga imbestigador na hindi kalayuan sa simbahan. Sa naturang pagsabog sa Jolo, anim na tao ang nasawi at tinatayang 40 iba pa ang nasugatan. Sa paunang impormasyon na nakalap ni Superintendent Danilo Bacas, PNP operation chief ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), sinabi nito na kabilang ang isang pulis sa mga nasugatan sa pagsabog. "Nasa kabilang kalye po ang simbahan [pero] medyo malayo," paglalarawan nito sa pinangyarihan ng insidente. Inihayag naman ni Lt. Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Philippine Navy, karamihan sa mga sugatan sa Jolo ay nasa kritikal na kondisyon. "Our initial report showed that a motorcycle parked near the store allegedly with wire connected on it was noticed, prompting concerned citizens to report the sightings to the police. An explosion followed just as policemen were responding to the information," ayon kay Arevalo sa text message na ipinadala sa media. Sumunod ang Iligan City Sinabi naman ni Chief Superintendent Danilo Empedrad, PNP director sa Northern Mindanao, na ang sumabog na bomba sa Iligan City ay itinago sa isang nakaparadang mini-cruiser na pag-aari ng Philippine Army sa Sabayle St. Batay sa impormasyon na nakalap ni Lt. Col. Juvymax Uy, commander ng 43rd Infantry Battalion, 11 tao ang nasugatan na kinabibilangan ng walong sibilyan at tatlong sundalo. Hindi naman naniniwala si Uy na ang mga sundalo ang target ng pag-atake dahil nagtungo lamang ang mga ito sa lugar para mamili at magpagawa ng sirang appliances. "I think may bibilihan sila or most likely magpapa-repair ng TV kasi mga service center ito ng mga appliance, yung mga tabi-tabi...I think coincidental lang siguro, kasi, collateral damage siguro, kasama lang sila, kasi intended talaga sa area na 'to na paputukin siguro," ayon kay Uy. Hindi magkakaugnay Ibinasura naman ni Major General Juancho Sabban, commander ng Joint Task Force Comet sa Mindanao, na magkakaugnay ang huling apat na insidente ng pagsabog. Ang Joint Task Force Comet ang namamahala upang mapalaya si Eugenio Vagni, ang Italyanong kasapi ng International Committee of the Red Cross, na patuloy pa ring bihag ng Abu Sayyaf sa Sulu. Hinihinala nito na ang pagsabog sa Jolo ay posibleng kagagawan ng Abu Sayyaf, samantalang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang maaaring nasa likod ng pag-atake sa Cotabato at Maguindanao. Una rito, itinanggi ng MILF na may kinalaman sila sa mga naganap na pagsabog at sa halip ay ipinasa ang sisi sa militar. "MILF dun sa Cotabato, Abu Sayyaf dito [Sulu]. Nakikita namin na walang link. Pero may isang common link na tinitingnan kami, kasi sumasama dito sa MILF at saka dito sa Abu Sayyaf yung mga Jemaah Islamiyah," paliwanag ni Sabban sa panayam ng GMA News. "Pumupunta sila dito, nagtuturo sila ng bomb making. So yun lang ang nakikita naming link," patungkol ni Sabban sa JI. Tungkol sa pagsabog sa Iligan City, sinabi ni Sabban na ang nasabing lungsod ay itinuturing “most affected by the MILF." - GMANews.TV