Filtered By: Topstories
News

Pagpapalawig sa registration period ng OFW sa OAV sinuportahan


MANILA – Lumalakas ang suporta ng mga kongresista sa mungkahi na palawigin ang registration period ng mga overseas Filipino workers para sa Overseas Absentee Voting (OAV) upang makaboto sila sa 2010 presidential elections. Sa magkakahiwalay na panayam nitong Biyernes, sinabi nina Reps. Joel Villanueva (Cibac), Mujiv Hataman (AMIN) at Juan Edgardo Angara (Aurora), nararapat na bigyan ng karagdagang panahon ng Commission on Elections (Coemelec) ang mga OFW na makapagparehistro upang hindi sila ma-disenfranchise. Naniniwala ang mga kongresista na masyadong maigsi ang itinakdang panahon ng Comelec para makapagparehistro ng mga OFW na magtatapos sa Agosto 31. (Basahin: Anong Say Mo sa Absentee Voting?) “Since the commission is targeting one million overseas absentee voters, it is only correct and appropriate to make the August 31 deadline extended until December," pahayag ni Villanueva, miyembro ng House committees on overseas and workers affairs at suffrage and electoral reforms. Nangangamba naman ni Hataman, kasapi rin ng committee on overseas workers affairs, na baka hindi makamit ng Comelec ang target na 1 milyong botante sa overseas absentee voting kung tatapusin kaagad sa Agosto ang pagpapatala. “We have to give more time to OFW’s who are usually having troubles with their busy schedules, let’s give them enough time so that they can find opportunity to register," paliwanag niya. Nakatanggap naman umano ng impormasyon si Angara na hindi sapat ang information campaign ng Comelec at Department of Foreign Affairs upang mabigyan ng kaalaman ang mga OFW tungkol sa karapatan nilang bumoto. Bukod pa rito, inirereklamo rin umano ng ilang OFWs na hindi akma sa kanilang schedule ng day-off ang itinakdang araw ng pagpaparehistro ng Comelec kaya marami sa kanilang ang hindi nakapupunta sa mga lugar kung saan sila puwedeng magpatala. “Hindi naman siguro malaking problema sa Comelec kung mag-extend sila ng registration period kahit ilang buwan lang upang matiyak na hindi sila maaalisan ng karapatan na bumoto," ayon sa kongresista. Sa ilalim ng OAV Act, ang mga OFW at iba pang Pinoy na nasa ibang bansa ay maaaring bumoto sa posisyon ng presidente, bise presidente at party-list representantives. Naghain na si Bayan Muna party list Rep. Satur Ocampo ng House Resolution (HR) No. 1249 upang hilingin sa Comelec na habaan ang panahon ng pagpaparehistro ng mga OFW. "The Comelec and DFA-OAVS (Department of Foreign Affairs-Overseas Absentee Voting Secretariat) need more time to realistically attain their target of one million overseas absentee voters and make up for all the constraints and shortcomings in the implementation of the project," nakasaad sa resolusyon. Batay umano sa talaan ng Comelec, sinabi ni Ocampo na umabot lamang sa 85,784 ang bilang ng mga OFW na nagpatala mula Pebrero hanggang Mayo 27, 2009. Idinagdag sa ulat na 120,000 ang kabuuang bilang ng nagpatalang OFWs hanggang nitong unang bahagi ng Hulyo. - GMANews.TV