Filtered By: Topstories
News

‘Outsider’ posible pa ring maging pambato ng administrasyon - Nograles


MANILA – Nagpahiwatig si Speaker Prospero Nograles Jr. na posibleng pa ring manggaling sa “labas" ng partidong Lakas-Kampi-CMD ang magiging pambato ng administrasyon sa 2010 presidential elections. Ito ang inihayag ni Nograles, vice president ng Lakas-Kampi-CMD, dahil hindi pa rin umano sila nakatitiyak kung kakandidato sa panguluhang halalan ang kaalyado ng administrasyon na si Vice President Noli de Castro. Nananatiling indepedyente si De Castro na lumilitaw sa mga survey na pinakamalakas na kandidato ng administrasyon sa 2010 elections. Ayon kay Nograles, bukas ang administrasyon na suportahan ang kandidatura ng isang “outsider" basta tanggap siya sa mayorya ng mga kasapi ng partido. “All I know is that the party will either pick from within or from outside the party basta acceptable sa amin. We are open and we will decide by September or October kung sino," paliwanag niya. Nauna nang nagpahayag si Nograles na pabor siyang maging pambato ng administrasyon sa 2010 si Sen. Francis “Chiz" Escudero, kasapi ng partidong Nationalist People’s Coalition (NPC) na kaalyado rin ng administrasyon.

You cannot have a standard bearer who has not yet said that I want to be elected in that position (President). First you have to declare. If you do not declare, everything is up in the air. So kailangang mag-deklara s’ya.
– Speaker Prospero Nograles
Bukod kay De Castro, pinagpipilian ng administrasyon bilang standard bearer sina Defense Sec. Gilbert Teodoro, Sen. Richard Gordon at Chairman Bayani Fernando ng Metro Manila Development Authority. Bagaman nagpahayag ng interes si Teodoro na lumipat sa Lakas-Kampi- CMD ngayong Hulyo para masungkit ang basbas ng administrasyon kayang pagtakbong pangulo, nanatiling tahimik naman si De Castro tungkol sa plano nito sa 2010 elections. “You cannot have a standard bearer who has not yet said that I want to be elected in that position (President). First you have to declare. If you do not declare…everything is up in the air. So kailangang mag-deklara s’ya," payo ni Nograles. Gayunman, iginagalang umano ni Nograles ang diskarte ni De Castro na manatiling tahimik sa kanyang mga plano at posibleng naghihintay lang ng tamang panahon. - GMANews.TV