Filtered By: Topstories
News

Teodoro manunumpa na sa Lakas-KAMPI-CMD


MANILA – Inaasahang lalaki ang tiyansa ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na makuha ang nominasyon bilang standard bearer ng administrasyon sa gagawin nitong panunumpa sa Lakas-Kampi-CMD sa Biyernes. “I would say, since Gilbert will formally join the Lakas he is now in the inner circle. May advantage na siya. He is already part of it," pahayag ni Speaker Prospero Nograles, vice chairman ng Lakas-Kampi-CMD, nitong Huwebes. Nilinaw naman niya na hindi nagmamadali ang partido sa pagpili ng ipangtatapat sa magiging pambato ng oposisyon sa 2010 presidential elections. “Mahirap magkamali dahil tiyak na mayayari ka in the next six years kapag hindi nanalo ang kandidato," paliwanag ni Nograles na kombinsido na ang makinaryang politikal ng administrasyon ang magpapanalo sa kanilang kandidato. Kumalas sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) si Teodoro mula nang tanggapin ang posisyon maging kasapi ng Gabinete ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) para sa mga presidentiables na ginawa noong Hunyo, nakakuha lang si Teodoro ng 0.8 percent rating sa mga pinagpiliang dapat pumalit sa puwesto ni Gng Arroyo. Bukod kay Teodoro, ikinukonsidera rin bilang standard bearer ng Lakas-Kampi-CMD sina Vice President Noli de Castro, nakakuha ng 19 percent sa SWS survey; at tig-one percent naman sina senador Richard Gordon at chairman Bayani Fernando ng Metro Manila Development Authority. Sa media forum sa Quezon City nitong Huwebes, sinabi naman ni House Majority Leader Arthur Defensor na hindi garantiya ang paglipat ni Teodoro sa Lakas-Kampi-CMD para maging pambato ng administrasyon. “Hindi nangangahulugang kasama na siya, siya na ang standard-bearer. May proseso pa. Hindi siya nakakasiguro kay Fernando," paliwanag ni Defensor. Aminado naman sina Nograles at Defensor na bukas pa rin ang posibilidad na manggaling sa kaalyadong partido ang maging standard bearer ng administrasyon kung wala silang makukuhang malakas na ipangtatapat sa oposisyon sa 2010 polls. “We are even open to guest candidate. Everything is possible, so we are not rushing things. One thing is sure, we will have our candidate on 2010," pahayag ni Nograles. Nang tanungin si Defensor tungkol sa posibilidad na si De Castro ang maging manok ng Malacanang, tugon ng kongresista: “Noli doesn’t bother us, we don’t reckon with VP, di siya member ng partido." Sa naturang survey ng SWS, nanguna ang mga kaalyado ng oposisyon na sina Sen. Manuel Villar, 33%; dating pangulong Joseph Estrada, 25%; at tig-20% sina Sen Mar Roxas at Francis Escudero. - GMANews.TV