Filtered By: Topstories
News

'Presidentiables' sa oposisyon lihim na humihingi ng basbas ng Palasyo - Mikey


MANILA – Kasabay ng pagtiyak na bababa sa kapangyarihan si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo pagkatapos ng termino nito sa Hunyo 2010, kinastigo ni Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo ang ilang “presidentiables" sa oposisyon na gumagamit umano sa kanyang ina. Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ng nakababatang Arroyo na mayroong “presidentiables" sa hanay ng oposisyon ang panay ang atake sa kanyang ina pero lihim na nakikipag-usap sa mga kaalyado ng Malacanang upang makuha ang suporta ng administrasyon. Hindi man tinukoy kung sino ang mga “presidentiables," sinabi ni Rep. Arroyo na habol nitong na magamit ang makinaryang pulitikal ng administrasyon. “There are presidential candidates who are hitting the President and yet they were doing some back-channeling through our allies," ayon sa presidential son na dismayado sa pag-atake ng oposisyon sa naging laman ng State of the Nation Address ni Gng Arroyo.

There are presidential candidates who are hitting the President and yet they were doing some back-channeling through our allies
– Pampanga Rep Mikey Arroyo
Idinagdag ni Rep Arroyo na siya man ay pinapaliwanagan ng ilan sa mga “presidentiables" na ang ginagawang pagbanat sa kanyang ina ay bahagi lamang ng “political posturing." “They (presidentiables) were saying that it’s only role-playing for media consumption, that they don’t mean what they say, and that we can count on them," pahayag pa nito. Sinabi ng kongresista na sinasamantala ng mga “presidentiables" ang mababang popularidad ng kanyang ina sa ginagawang pagbato ng mga walang basehang alegasyon upang magmukhang tunay na oposisyon sa mata ng publiko. “They are saying hindi sila kalaban pero panay naman ang banat nila. Although GMA’s endorsement cannot make them win, they probably think that her network can make them lose," aniya.

I’m only appealing for certain dignity and fairness. Kababaing tao (Gng Arroyo) binabastos nila.
– Pampanga Rep Mikey Arroyo
Iginiit ni Rep. Arroyo na hindi siya nagdedeklara ng giyera sa mga “presidentiables" pero umaapela siya na maging parehas sila sa mga ginagawang pagbatikos sa gobyerno. “I’m only appealing for certain dignity and fairness. Kababaing tao (Gng Arroyo) binabastos nila," idinagdag nito. Kabilang sa mga lumulutang na tatakbong presidente sa 2010 elections sa hanay ng oposisyon ay sina dating Pangulong Joseph Estrada, Sens Manny Villar, Francis Escudero, Loren Legarda, at Manuel Roxas, at Pampanga Gov Eddie Panlilio at Makati Mayor Jejomar Binay. Iginiit din ni Rep. Arroyo na malinaw na nakasaad sa SONA ng kanyang ina na wala itong balak na manatili sa kapangyarihan pagkatapos ng termino sa Hunyo 2010. - GMANews.TV