Filtered By: Topstories
News

OAV mobile registration ikakalat sa Jeddah


JEDDAH, Saudi Arabia – Dahil sa magandang resulta ng isinagawang mobile registration para sa overseas absentee voting (OAV) kamakailan sa Yanbu, nagtakda ang mga opisyal konsulado ng Pilipinas sa Saudi Arabia na magsagawa ng serye ng voter registration sa mga Filipino school sa bansang ito. Inihayag ng OAV Mobile Team ng Philippine Consulate General na isasagawa ang pagpapatala ng mga OFW sa Al-Hekma International School mula 2 p.m. hanggang 8 p.m. sa Huwebes (July 30). Sa Agosto 7, magkakaroon din ng rehistrasyon sa International Philippine School sa Jeddah (IPSJ), at susundan naman sa Agosto 14 sa Pearl of the Orient International School (POIS). Patuloy din umano ang pagpaparehistro sa konsulada araw-araw mula 8:30 a.m. hanggang 4:30 p.m. Gagawin hanggang dumating ang deadline sa pagpapatala sa OAV sa katapusan ng Agosto 2009. Pinayuhan ang mga OFW na magpaparehistro na dalhin ang orihinal o kopya ng kanilang pasaporte at dokumento na magpapatunay sa kanyang pagkakakilanlan. Habang papalapit ang deadline sa pagpaparehistro, nanawagan si Consul General Ezzedin Tago sa mga Filipino na edad 18 pataas na magpatala upang maging bahagi sila ng pagpili ng mga susunod na opisyal ng Pilipinas sa 2010 elections. Sa ilalim ng OAV, ang mga Pinoy na nasa ibang bansa ay maaaring bumoto sa posisyon ng presidente, bise presidente, senador at partylist representatives. Ang Saudi Arabia ang bansa na may pinakamaraming bilang ng mga OFW sa mundo. Ngunit kakaunti pa lamang ang nagpapatala sa OAV mula nang simulan ito noong Pebrero. Ang mababang bilang ng mga nagpaparehistro ay isinisisi malayong lugar kung saan isinasagawa ang pagpaparehistro mula sa tinutuluyan at pinapasukang trabaho ng mga OFW. Nagsisilbing mga registration center ng OAV ang Philippine Embassy sa Riyadh, ang Consulate General sa Jeddah, at Philippine Overseas Labor Office sa Al Khobar. Pinahintulutan naman ng pamahalaan ng Saudi na isagawa ang pagpaparehistro sa mga Philippine school sa nabanggit na bansa. Noong nakaraang linggo, masayang ibinalita ni Elsa Masa, kasapi ng OAV team, na umabot sa 500 OFWs ang nakapagpatala sa mobile registration Al-Tawhid International School sa Yanbu. Mahigit dalawang milyon ang Filipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Middle East ngunit wala pang 27,000 Pinoy ang nagpapatala sa OAV sa nasabing lugar. - Ronald Concha, GMANews.TV