Filtered By: Topstories
News

‘Cory factor’ may epekto sa 2010 elections


MANILA – Inihayag ng isang kongresista nitong Huwebes na makaiimpluwensiya sa mga botante ang iniwang legacy ng pumanaw na si dating Pangulong Corazon Aquino sa hanay ng mga kakandidato sa panguluhang halalan sa Mayo 2010. Sa isang media forum sa Quezon City, sinabi ni Paranaque Rep. Roilo Golez na makalalamang sa boto ng publiko ang kandidatong makapagpapakita na kaya nitong sundan ang naging yapak ni Gng Aquino na naging tapat sa pamamahala ng bansa. “This is a battle about who can continue the Cory legacy like the smooth transition of the democratic processes," ayon sa kongresista. “Sigurado medyo importante diyan ang increase ng Cory factor in 2010 elections." Ngunit hindi naniniwala si Golez na awtomatikong makikinabang sa “Cory factor" ang kapartido ni Sen Benigno “Noynoy" Aquino III, na si Sen. Manuel “Mar" Roxas, na ikinukonsiderang standard bearer ng Liberal Party. “I don’t think it (Cory factor) is an exclusive domain of LP," sambit ni Golez. Bukod kay Roxas, ikinukonsiderang presidentiables sina Sens Manny Villar, Francis Escudero, Loren Legarda, Richard Gordon, Vice President Noli de Castro, Defense Sec Gilbert Teodoro, MMDA Chairman Bayani Fernando, dating pangulong Joseph Estrada at Pampanga Gov. Eddie Panlilio. Kumbinsido naman si Golez na tiyak na mananalo ang bunsong anak ni Gng Aquino na si Kris Aquino-Yap sakaling maisipan nitong tumakbong senador sa 2010 elections. Naniniwala rin ang kongresista na magkakaroon ng mahalagang papel sa halalan si Sen Aquino na kanyang pinuri sa ipinamalas na “statesmanship" nang maayos na mapakiharapan si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nang dumalaw ito sa burol ng kanyang pumanaw na ina. May mga ulat na posibleng ipalit si Sen Aquino kay Roxas bilang pambato ng LP sa 2010 elections, o maging katambal ni Roxas bilang vice president. Sa hiwalay na panayam ng GMANews.TV kay Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali (LP), sinabi nito na posibleng talakayin ng lapian sa mga susunod na araw ang magiging papel ni Aquino para sa LP sa gaganaping eleksyon. “Hindi ko alam sa ngayon kung magiging standard bearer o runningmate siya (Sen Aquino). Pero nakita naman natin ang response ng tao sa respetong ipinakita nila sa pangalan ng Aquino, siguro he should consider running for higher position para maipagpatuloy niya ang laban ng mga magulang nila," ayon kay Umali. Sa panayam ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Sen Aquino na wala sa kanyang isip ngayon na tumakbo sa mas mataas na posisyon. Sa halip, nais umano niyang tutukan ang kanyang trabaho bilang senador. Matatandaan na si Gng Aquino ay nag-atubili rin na tumakbong presidente sa snap elections na ipinatawag ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1986. Nakumbinsi lang ang pumanaw na lider na tumakbo nang iprisenta sa kanya ang isang milyong lagda ng mga Filipino na naghihikayat sa kanyang kumandidato. Kasunod nito ay nagbigay daan kay Gng Aquino si dating vice presidente Salvador Laurel na unang ikinunsidera noon ng oposisyon na ilalaban kay Marcos. Para naman kay Quezon City Rep. Matias Defensor, mas makabubuti umano na huwag haluan ng pulitika ang pagpanaw ni Gng Aquino na tinawag niyang “above politics" dahil sa naging kontribusyon nito sa demokrasya ng bansa. - GMANews.TV
LOADING CONTENT