Filtered By: Topstories
News

Partido ni Danding ‘di raw muna iiwan si Arroyo


Matapos mapag-iwanan sa nakaraang dalawang pampanguluhang halalan, inihayag ng tagapagsalita ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) nitong Miyerkules na panahon na upang sumabak silang muli sa 2010 presidential elections. Sa isang media forum sa Quezon City, sinabi ni Valenzuela Rep. Rex Gatchalian, tagapagsalita ng NPC, na tiyak na magsasalang ng kandidato sa pagka-pangulo at bise presidente ang partido sa darating na eleksyon sa Mayo 2010. “Klaro that NPC will field a presidential candidate, vice presidential and as much as possible complete slate of senatorial candidates, we have a shorter list," ayon sa kongresista. Dahil dito, sinabi ni Gatchalian na malabo ng mangyari ang pangarap ni Estrada na magkaroon lamang ng isang pambato ang hanay ng oposisyon na ipangtatapat naman sa standard bearer ng administrasyon. Bagaman halos mayorya ng kasapi ng NPC ay kaalyado ng administrasyon, nakalinya naman sa oposisyon ang pinagpipilian nilang standard bearer – sina Senador Francis Escudero at Loren Legarda.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa kabila nito, sinabi ni Gatchalian na handa nilang pakinggan ang opinyon ni Estrada na naging running-mate noong 1992 presidential elections ni business magnate Eduardo “Danding" Cojuangco, nagtatag ng NPC. Hindi iiwan si Arroyo Idinagdag ni Gatchalian na hindi bibitiw ng suporta ang NPC kay Pangulong Gloria Arroyo habang abala sila sa pagpili kina Escudero at Legarda na isasabak sa panguluhang halalan. “Majority ng NPC I would say ay progressive thinkers at constructive. Tayo ay naniniwala na habang maayos ang plataporma na inihahain (ng pamahalaan), susuportahan natin," ayon sa tagapagsalita. Gayunman, sinabi ni Gatchalian na kailangan nilang magdesisyon sa tamang panahon kung hihiwalay sa koalisyon sa administrasyon kapag nakapili na sila ng pambato at magpasya ito na iabando si Arroyo. Iniwasan naman ni Gatchalian na direktang sagutin ang tanong kung handa si Escudero na maging pambato ng NPC kahit mayorya sa mga kasapi nito ay tagasuporta ng administrasyon. Una rito, nagpasaring si Presidential son at Pampanga Rep. Mikey Arroyo na isang “young presidentiable" sa hanay ng oposisyon ang panay ang atake sa kanyang ina ngunit palihim naman na nanliligaw ng suporta ng administrasyon. Bagaman hindi pinangalanan, mabilis na pinabulaanan ni Escudero na siya ang tinutukoy ng nakababatang Arroyo at iginiit na hindi ito manghihingi ng suporta sa Malacanang sakaling magdesisyon na tumakbo sa 2010. “We have to take iyung statement ni Escudero for what it is. I can’t speak for it, mas maganda siguro kung siya ang tatanungin at maibigay ang posisyon niya," tugon ni Gatchalian. - GMANews.TV