Nanawagan kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang ina ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nakakulong sa China na tulungan ang anak na ginamit umano ng sindikato para magpasok ng ilegal na droga sa nasabing bansa.
Sa ulat ni GMA News reporter Jiggy Manicad, sinabi nito na July 2007 nang mahuli sa paliparan ng China si Gemma Sagibo, 43-anyos, may dalawang anak, matapos makita sa kanyang pag-iingat ang isang kilo ng heroin.
Ayon sa ina ni Sagibo na si Gng Soledad Sarmienta, hindi alam ng kanyang anak na sindikato pala ng nagtutulak ng ilegal na droga ang kanyang naging recruiter.
Inalok umano umano ng recruiter ang kanyang anak ng P20,000 bayad sa bawat biyahe mula Malaysia patungong China para maghatid ng “ginto."
“Wala pong kasalanan ang anak ko, kundi po ang mga taong nasa paligid ko. Kalugar pa po namin ang gumawa ng ganyan," paghihinanakit ni Gng Sarmienta sa ulat ng GMA News
24 Oras nitong Miyerkules.
“Sa aming presidente, kung maaari po tulungan mo ang anak ko na walang kamay-malay na malalagay sa alanganin, nakikiusap po ako sa inyo," pagsusumamo pa niya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV
Kasong drug trafficking ang kinakaharap ni Sagibo sa China kung saan kamatayan ang katapat na kaparusahan kung mapapatunayan ang ibinibintang sa kanya.
Batay sa sulat na ipinadala ng Department of Foreign Affairs sa pamilya ni Gng Sarmienta, binigyan ng China ng dalawang taong reprieve si Sagibo o hindi ito mabibitay sa loob ng dalawang taon.
Mula nang makulong, isang sulat pa lang umano ang naging paraan ng komunikasyon ng kanyang anak. Sa sulat, hiniling ni Sagibo sa ina na huwag pababayaan ang kanyang dalawang anak na sina Vienmie at Emil.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), tinatayang 500 Pinoy ang nakakulong ngayon sa iba’t-ibang bansa dahil sa kasong pagtutulak ng ilegal na droga.
Kaya naman mahigpit ang bilin ni PDEA Director General Dionisio Santiago sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa na huwag magpapasilaw sa alok na malaking halaga at biyahe sa labas ng bansa.
Sa isinagawang follow operation umano ng mga tauhan ng Anti-Illegal Drug Task Force ng National Bureau of Investigation (NBI) at mga pulis sa Malaysia, 10 miyembro ng sindikato ang nahuli ngunit nakatakas ang suspek na nagngangalang “Eric" na umano’y recruiter at nagsisilbing handler ni Sagibo.-
Fidel Jimenez, GMANews.TV