Filtered By: Topstories
News

Nag-iisang pambato ng oposisyon sa 2010 polls malabo na - Pimentel


MANILA - Inihayag ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., nitong Martes na magiging pangarap na lamang ang hangarin na mapag-iisa ang hanay ng oposisyon upang magkaroon ng nag-iisang pambato sa 2010 presidential elections. Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Pimentel na wala ng aatras sa mga tinatawag na “presidentiables" sa hanay ng oposisyon na magiging dahilan ng pagkawasak ng kanilang hanay. “Nagdududa na ako, kasi sino sa kanila ang aatras? Pero, gusto ko talaga ang united opposition, at nananatiling nangangarap hinggil doon. Siguro pagsapit ng Nobyembre, kailangan ko nang lumantad dahil panahon na ito sa pagdedeklara. I don't want to antagonize anybody unnecessarily," ayon kay Pimentel. Bagaman posibleng may ilan na sumusubok pa rin sa kasalukuyang sitwasyon, sinabi ni Pimentel na lubhang mahihirapan na ang oposisyon na makapili ng nag-iisang ipangtatapat sa pambato ng administrasyon. “Siguro, they are just testing the waters pero yun na nga ang mahirap dito because sino ang aatras? (Sens) Mar Roxas, Manny Vllar? These people hindi maggi-give way, so I guess we will have many candidates palagay ko splitting the opposition," pangamba niya. Katulad ni dating Pangulong Joseph Estrada, nangangarap din umano si Sen. Francis “Chiz" Escudero na magkaroon ng united opposition sa 2010 upang matiyak ang panalo ng oposisyon. “Kasi ang pangarap niya (Erap na magkaisa ang oposisyon) pangarap ko rin ‘yan. Kaya huwag natin siyang pangunahan," ayon sa batang senador. Nakahanda umano si Escudero na makipag-usap kay Estrada upang mapagkaisa ang oposisyon. Ngunit nilinaw nito na wala siyang babawiin dahil wala pa siyang deklarasyon kaugnay sa pagtakbo sa panguluhang halalan. Una rito, inamin ni Roxas na nagkausap na sila ni Estrada. Ngunit sa halip na pag-isahin ang oposisyon, sinabi ni Roxas na inalok siya ni Estrada na maging bise presidente kapag nagdesisyon ang dating pangulo na muling sumabak sa presidential elections. - GMANews.TV