Filtered By: Topstories
News

'Ka Erdy' Manalo ng INC pumanaw na


MANILA – Pumanaw nitong Lunes ang lider ng maipluwensiyang religious group na Iglesia ni Cristo (INC) na si Bro. Eraño "Ka Erdy" Manalo sa edad na 84. Sa isang recorded announcement na ipinadinig sa dzBB radio, kinumpirma ni Bienvenido Santiago, tagapagsalita ng INC, ang pagpanaw ni Manalo dakong 3:53 p.m. noong Lunes (Agosto 31, 2009) sa kanyang tahanan. "Ikinalulungkot naming ipabatid sa buong Iglesia at sa buong sambayanan na ang tagapamahalang pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo, ang kapatid na Eraño G. Manalo ay pinagpahinga na ng Diyos. Pumanaw siya sa kanyang tahanan sa ganap na 3:53 kahapon Agosto 31, 2009, sa gulang na 84," ayon kay Santiago. Si Manalo ang tumatayong Executive Minister ng INC, at pumalit na tagapamahala sa Simbahan ng Iglesia nang pumanaw ang kanyang ama at nagtatag ng kapatiran na si Felix Manalo noong 1963. Batay umano sa impormasyon na ibinigay ni Dr Ray Melchor Santos, sinabi ni Santiago na cardiopulmonary arrest ang dahilan ng pagpanaw ni (Eraño) Manalo. Ang mga labi ni Manalo ay ilalagak sa Central Temple ng INC sa Quezon City, ayon sa tagapagsalita. Isinilang si Manalo noong Enero 2, 1925, at pang-lima sa mga anak ni Ka Felix. Impluwensiya ni Manalo Isa ang INC sa mga religious group na nililigawan ng mga pulitiko dahil kilala ito na may solidong boto o “bloc voting." Hindi tiyak kung ilan talaga ang miyembro ng INC ngunit pinapaniwalaan na ito ay nasa pagitan ng dalawa hanggang walong milyon. Sinabing mayroon simbahan ang INC sa 60 bansa. Inilarawan ng Philippine Center for Investigative Journalism ang INC na, "a secretive, tightly organized church composed mainly of poor members."
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sinasabing simula pa noong maitatag ang “kapatiran" noong 1941 ay kapuna-puna na ang impluwensiya ng INC sa gobyerno. Ngunit higit umanong nakita ang impluwensiya ng samahan sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na hindi nawawala sa mga okasyon ng INC, pati na sa kaarawan ni Ka Erdy. Binigyan din umano ni Marcos ng malaking kontrata sa Land Transportation Office ang isang kumpanya na konektado sa INC. Ang puwersa sa balota ng INC ay nakikita sa “tagubilin" kung saan nakalista ang mga kandidato na kanilang susuportahan mula sa lokal hanggang pambansang posisyon. Bukod kay Marcos, sinabing sinuportahan ng INC ang kandidatura ni business tycoon Eduardo “Danding" Cojuangco nang tumakbo itong presidente sa 1992 elections, ngunit natalo sa katunggaling si dating Pangulong Fidel Ramos. Ibinato rin ng INC kay Pangulong Joseph Estrada ang suporta mula noong tumakbo itong bise presidente katambal si Cojuangco, hanggang sa tumakbong pangulo at nanalo noong 1998. Nang mapatalsik si Estrada sa EDSA Dos noong 2001, sinasabing nagpadala ng suporta si Manalo ang malaking kilos protesta laban kay Arroyo na tinawag na EDSA Tres. Noong 2004, ibinigay ng INC ang suporta kay Gng Arroyo nang tumakbo itong pangulo laban sa mas popular na si Fernando Poe Jr. Sinabi sa GMANews.TV ni Mahar Mangahas, pinuno ng survey firm na Social Weather Station, hanggang 75 porsiyento ng mga kasapi ng INC ang kayang ibinigay ng grupo ni Manalo sa isang kandidato. Sa mga dikit na laban, sinabi ni Mangahas na importante at kayang magpapanalo ng boto ng INC. Nagluluksa Nitong Martes, nagpaabot ng pakikidalamhati ang Malacañang sa mga naiwan ni Manalo at mga kasapi ng INC. “Nakikiramay po ang First Family at administrasyon sa pagpanaw ni Ka Erdy Manalo. He has been very instrumental sa simbahan, sa pagiging charismatic at pag-unite ng mga tagapagsunod. At nakikriamay po kaming lubos sa pamilya," pahayag sa dzBB ni Anthony Golez, deputy presidential spokesperson ng Palasyo. Labis din umano ang kalungkutan ni Estrada sa pagkawala ni Manalo na itinuturing niyang spiritual leader. “President Estrada joins the nation in mourning the loss of one of the nations’ greatest religious leaders," ayon sa tagapagsalita ni Estrada na si Margaux Salcedo. Maging ang ibang lider ng ibang relihiyon ay nagpaabot din ng pakikiramay sa mga naulila ni Manalo. Sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na kahit magkaiba ang pananaw nila sa relihiyon, itinuturing niyang mabuting tao si Manalo. Ang aming buong pamilya at Jesus is Lord (members) worldwide ay buong pusong nakikiramay at nakikidalamhati sa pamilya ni Ka Erdie at sa ating kaibigan sa INC. Nawa’y maramdaman ng pamilya ni Ka Erdie at lahat ng INC ang kapayapaan ng ating buhay na Diyos," pahayag naman Bro. Eddie Villanueva ng Jesus Is Lord Movement. - GMANews.TV