PEP: Former sexy actress grieves the death of INC's Eraño Manalo
09/01/2009 | 05:02 PM
Nakatanggap ang Philippine Entertainment Portal ng tawag umaga nitong Martes mula sa dating aktres na si Klaudia Koronel. Umiiyak siyang ibinabalita na namatay na si Ka Eraño G. Manalo, ang Executive Minister ng Iglesia Ni Cristo (INC).Ayon kay Klaudia, napakalaki ng naitulong ni Ka Eraño sa kanya, sa buhay niya, at maging sa pag-aasikaso ng kasal nila ng mister niyang si Andy Zhang. Ikinasal sina Klaudia at Andy last Friday, August 28, sa Iglesia Ni Cristo Main Temple, Commonwealth Ave., Quezon City.
"Marami akong hininging tulong at mga payo sa kanya [Ka Eraño]," sabi ng humihikbing si Klaudia. "Hindi niya ako pinagdamutan ng mga payo. Marami, tulad ng pagwawasto ng buhay ko, sa pag-aaral ko dati, sa pagiging matatag. Itinuring ko siyang para kong tunay na ama.
"Tuwing may gagawin akong hindi tama noon, siya ang iniisip ko. Kasi ayoko siyang magdamdam, kaya napipigilan ko ang paggawa ng masama. 'Pag nasasaktan ako, maliban sa Diyos, siya ang nagbibigay ng lakas ng loob sa akin," pagtatapat ng aktres.
Pahayag pa niya: "Paano ang buhay ko ngayong wala na siya na itinuturing kong ama sa buhay ko? Sino ang lalapitan ko kapag nasa matindi akong pagsubok? Para akong naulila. Siya ang tumanggap at umunawa sa akin 'pag di ako tanggap ng tao. Siya ang nagpapayo na huwag kong intindihin ang tingin sa akin ng tao, na ang intindihin ko ay kung ano ang tingin sa akin ng Diyos."
Sinabi ni Klaudia na mula noong taong 2000 ay ginabayan na siya ni Ka Erano sa pamamagitan ng mga ibinigay nitong payo. Lahat din umano ng desisyon ng dating sexy actress ay idinadaan muna sa lider ng INC.
"Kaya pala kinakabahan ako, mula pa sa kasal ko, lutang ang isip ko. Kagabi at kahapon pa, hindi ako makatulog. Parang hinintay niya na maikasal ako, tapos nawala na siya," paglalahad ni Klaudia.
Sa Facebook account ni Klaudia, ito ang naka-post na entry niya: "Namatay na po si Ka Eraño G. Manalo. I can't stop crying... Sobrang lungkot. ‘Di ko kaya ang lungkot... Tinapos lang niya ang kasal ko. Salamat po. Ka Erdy...."
Habang kausap namin si Klaudia ay papunta na siya sa INC Central Temple dahil gusto niya na isa siya sa pinakaunang makarating sa kinaroroonan ng mga labi ng namayapa nilang pinuno.
Cardiopulmonary arrest ang ikinamatay ni Ka Eraño sa edad na 84. - Rommel Gonzales, GMANews.TV


















