Filtered By: Topstories
News

Chavit Singson pinagtaksilan daw ng ka-live in kaya nanakit


MANILA – Naghain ng petisyon nitong Miyerkules sa korte sa Quezon City ang dating live-in partner ni deputy national security adviser Luis "Chavit" Singson upang pagbawalan ang dating gobernador ng Ilocos Sur na makalapit sa kanya dahil sa ginawa umano nitong pananakit sa babae. Hindi tinukoy ng tauhan sa Quezon City Regional Trial Court ang pagkakakilanlan ng babae na humingi ng temporary protection order sa korte upang hindi makalapit sa kanya si Singson. Tumanggi rin ang impormante na idetalye ang laman ng petisyon dahil hindi siya awtorisadong magsalita sa media. Gayunman, sinabi nito na nasa isang "safe house" ang nagrereklamo. Sa naunang panayam sa dzBB radio, inamin ni Singson na sinaktan niya ang babae noong nakaraang linggo matapos mahuli umano niya ang babae na nagtataksil. Bagaman may natatanggap ng impormasyon laban sa kinakasama, ninais pa rin umano ng dating gobernador na siya mismo ang makahuli. Noong nakaraang linggo, nagkunwari umano si Singsong na uuwi muna sa Vigan, Ilocos Sur. “Alam ko nang may gagawing mali, pumunta sa apartment namin, dinala ‘yung lalaki. Sumakay pa sa kotse. So sinundan ko, pinahuli ko at ayun, pareho ko silang sinaktan," pahayag ni Singson sa panayam sa radyo. Sa hiwalay na ulat sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni Singson na sinaktan din niya ang lalaking kalaguyo umano ng kanyang kinakasama. Nanindigan si Singson na wala siyang pinagsisihan sa kanyang ginawa, at iginiit na nakahanda siyang harapin ang kasong ihahain laban sa kanya. "Okay lang sa akin. 'Di ako nagsisisi sa ginawa ko. Nagsisinungaling sila pareho," pahayag muli ni Singson sa panayam sa radyo. Kung tutuusin, dapat pa umanong magpasalamat sa kanya ang dalawa. "Mabait tayo, ‘di ko sila pinatay. Huling-huli ko nga," ayon sa dating gobernador. - GMANews.TV