Mobile Alerts  Newsletter  Archives  About Us  Advertise with Us Twitter GMANews.TV Facebook GMANews.TV RSS GMANews.TV
Pinoy Abroad

Sa 2010 polls: Gov Panlilio atras na rin para kay Noynoy

MANILA – Inihayag nitong Biyernes ni Pampanga Governor Eddie “Among Ed" Panlilio ang pag-atras sa kanyang plano na tumakbong pangulo sa 2010 elections kapalit ng pagsuporta kay Senador Benigno “Noynoy" Aquino III.

Sa pulong balitaan sa Club Filipino sa San Juan, kasama ni Panlilio na nagbato ng suporta kay Aquino, si Isabela Governor Grace Padaca na balak ni Panlilio na kuning bise presidente.

"Pagkatapos ng aming pagdarasal, pakikilahok sa mga kaganapan sa ating lipunan at pag-iisip at pagkonsulta sa aming mga taga-suporta, nagpasya kaming lahat na tugunan ang tawag ng pagmamahal sa bayan, sakripisyo at pagkakaisa na pinangunahan na ni Senator Mar Roxas noong Martes," ayon sa binasang pahayag ni Panlilio.

"Nagpasya kami na hindi tumuloy sa aming planong pagtakbo sa pagkapangulo sa nalalapit na halalan," deklara ng gobernador na pansamantalang naka-leave bilang isang pari ng Simbahang Katoliko.

Kasabay nito, nanawagan si Panlilio sa iba pang tinatawag na “presidentiables" na sundan ang kanilang ginawa para matiyak ang panalo ni Aquino.

Lumutang ang pangalan ni Aquino bilang pambato ng Liberal Party makaraang umatras sa pagtakbong pangulo ang kanyang kapartido na si Sen Roxas.

"Noynoy may not be the best for the presidency but at this point in time we need to unite as a country and he could be the right person," ayon sa gobernador ng Pampanga.

Aminado si Panlilio na wala sa kanyang katangian na kayang pag-isahin at ireporma ang oposisyon pero naniniwala siyang mas malaki ang tiyansa na magagawa ito ni Aquino.

Idinagdag ng gobernado na marami ang susuporta sa kandidatura ni Aquino dahil maraming Filipino ang naghahangad ng pagbabago at naghahanap ng alternatibong kandidato.

Kasabay ng pag-atras sa panguluhang halalan, sinabi ni Panlilio na maitutuon na niya ang kanyang atensyon sa kinakaharap na “recount" sa mga boto noong 2007 elections dahil protesta na inihain ng kanyang kalaban na si Lilia Pineda.


For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV

Bukod sa dalawang gobernador, dumalo rin sa pagtitipon sina San Isidro, Nueva Ecija mayor Sonia Lorenzo, Isabela mayor Florante Herdan, at Ilocos Sur mayor Jun Verzosa, na dating mga kaalyado ng administrasyon ngunit sumama na sa grupo ni Panlilio.

"We believe Sen. Noynoy embodies the democratic reform we are pushing for in Nueva Ecija," ayon kay Isidro. "We feel that supporting Sen. Noynoy for president is but a natural tendency and a logical consequence of our work."

Sinabi ni Panlilio na susuportahan nila si Aquino at kung sino man ang mapipili nitong bise presidente. Gayunman, umaasa siya na hindi lilimitahan ni Aquino ang pagpili sa kanyang katambal sa isang tao lamang.

Wala sa survey

Minaliit naman ni dating Pangulong Joseph Estrada ang pag-atras ni Panlilio at hindi umano ito makakaapekto sa labanan sa panguluhan.

"E mabuti naman, mabuti hindi siya maghihirap. Sa Pampanga pa lang mahirap siyang manalo, paano pa sa buong Pilipinas," ayon kay Estrada sa panayam ng dzBB radio.

Idinagdag ng dating lider na hindi naramdaman si Panlilio bilang “presidentiable" dahil hindi naman lumalabas sa survey ang pangalan ng gobernador.

"Sa survey hindi naman lumalabas yung pangalan n’ya sa presidential e. ‘Wag natin lokohin ang ating mga sarili," ayon kay Estrada.

Bagaman may pagdududa kung papayagan ng korte si Estrada na muling tumakbong pangulo sa 2010, sinabi nito na 99.9 percent na siyang tiyak na kakandidato.

Pumapangalawa si Estrada sa mga survey, kasunod ng nangungunang si Sen Manny Villar, pambato ng Nacionalista Party (NP).

Samantala, sinabi ni Lito Anzures, tagapagsalita ni Makati City Mayor Jejomar Binay, presidente ng United Opposition, na posibleng ipagpaliban na rin ng alkalde ang kanyang planong tumakbong presidente para kay Aquino.

Nanawagan din si Panlilio kay Bro Eddie Villanueva ng Jesus Is Lord Movement, na huwag nang tumakbong pangulo at suportahan na rin lang si Aquino.

"I just hope Bro. Eddie will [consider] endorsing just one reform candidate. Ang winnability, mas nakikita natin kay Noynoy iyon," ayon sa gobernador. - GMANews.TV
ADVERTISEMENT
No brake wear in runaway Prius — report
2010-03-14 10:49:12
SAN FRANCISCO — Federal and company investigators probing a dramatic high-speed incident...
Namfrel gives up bid to be Comelec’s citizen arm
2010-03-13 10:34:33
The National Movement for Free Elections (Namfrel) has given up its bid for accreditation as the...
Kidnapped Indian national rescued in Laguna
2010-03-12 20:46:09
An Indian national abducted two days ago has been rescued by authorities in a hideout in Laguna,...
NYC funeral home van towed with body inside
2010-03-13 15:55:22
NEW YORK – A police tow truck removed a minivan parked outside a New York City funeral home,...