Filtered By: Topstories
News

Usapin ng Hacienda Luisita magagamit daw laban kay Noynoy


MANILA – Malaki umano ang posibilidad na makuha ni Senador Benigno “Noynoy" Aquino III ang suporta ng kabataan sa pagtakbo nitong pangulo sa 2010 elections ngunit magiging malaking usapin din ang pag-aari nilang lupain na Hacienda Luisita. Ito ang inihayag Father Kunegundo Garganta, executive secretary ng Episcopal Commission on Youth ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines, nang makapanayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules. “(Si) Senador Noynoy Aquino posibleng makuha ang boto ng mga kabataan, ngunit (ang) usapin sa lupa malaking hamon para sa kanyang kandidatura," ayon kay Gardanta. Nitong Miyerkules ng umaga ay inihayag ni Aquino ang pagtakbong pangulo sa 2010 elections matapos umatras ang kapartido sa Liberal Party na si Sen Mar Roxas. Ayon kay Fr Garganta, maliban sa pagiging kilala ng pamilya Aquino sa pulitika, nakalalamang din ang kabataan ng 49-anyos na senador kumpara sa ibang mga kandidato. Ngunit posible umanong maging malaking problema ni Aquino ang usapin ng lupa dahil kilalang haciendero ang kanyang angkan. “Posibleng makuha niya ang simpatya ng mga botante lalo na ang youth sector kung talagang mananatili ang kanyang senseridad na ipagpatuloy ang laban ng kanyang mga magulang," ayon kay Fr Garganta. “Subalit malaking isyu na kanyang kakaharapin ay ang usapin sa lupa dahil alam naman nating kilalang may mga malalawak na lupain ang kanyang pamilya," idinagdag nito. Nagbigay naman ng payo si Bishop Deogracias Iniguez, Episcopal Commission on Public Affairs ng CBCP, sa mga botante na suriing mabuti ang pagkatao at plataporma ng mga kakandidato sa darating halalan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “As far as we are concern ng mga electorate, pag-aaralan natin yung mga kandidato, yung kanilang uprightness, yung kanilang program at yung kanilang competent. Whoever enter the arena, we have to study them tingnan yung kanilang mga programa hindi lang basta Aquino ay iboboto na natin," ayon sa obispo “Ang importante na hindi tayo padadala sa emotion at huwag tayong padadala sa bandwagon mentality," idinagdag ni Iniguez. Multo ng Luisita Agad namang hinamon ni Anakpawis party-list Representative Rafael Mariano si Aquino na ipakita na handa itong mamuno sa pamamagitan ng pagbasura sa ibinigay umanong ultimatum sa mga magsasaka at farmworkers sa 2,000-hektaryang lupain ng mga Aquino sa Hacienda Luisita sa Tarlac. “We challenge him to act on the plight of Luisita farmers and farm workers and scrap the October 30, 2009 ultimatum set by the Luisita management," nakasaad sa pahayag ni Mariano. Dapat umanong magsimula sa teritoryo ni Aquino ang pagbabago kung tapat ito sa kanyang pahayag na isusulong ang reporma sa pamahalaan. "Aquino and the Liberal Party must seriously consider the just and legitimate demands of Luisita farmers to own the land to prove that they are truly for genuine reforms and social change," ayon kay Marinao. “Change must start from the emancipation of the poor, especially for farmers who have long been calling for genuine land reform," pagdiin niya. - GMANews.TV