Filtered By: Topstories
News

2010 polls: 'BF' ‘di raw aatras sa panguluhang halalan


MALOLOS CITY – Inihayag ni Chairman Bayani Fernando ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong Huwebes na wala siyang balak na umatras sa labanan sa panguluhang halalan sa 2010. Kahit pinalutang ng ilang grupo sa partido ng administrasyon na Lakas-Kampi-CMD, ang tambalan nina Defense Sec Gilbert Teodoro at Interior Sec Ronaldo Puno, kumpiyansa pa rin si Fernando na siya ang pipiliin ng mga kapartido upang maging standard bearer sa darating na eleksyon. Malaking kalamangan umano ni Fernando ang pagiging “orig" na kasapi ng Lakas kaysa kay Teodoro na kalilipat lang sa administrasyon mula sa partido ni Eduardo “Danding" Cojuangco na Nationalist Peoples Coalition (NPC). Idinagdag ni Fernando na ang labanan sa nominasyon ng administrasyon bilang standard bearer ay nasa pagitan nila ni Teodoro. Hindi na umano kasama si Vice President Noli de Castro na patuloy na nanahimik tungkol sa kanyang plano sa 2010. Sakaling hindi naman mapili ng administrasyon, direktang inihayag ng opisyal na gagawa siya ng ibang paraan kung papaano makatatakbong pangulo. Wala raw siyang planong bumaba sa posisyon ng bise presidente tulad ng ginawa ng ilang “presidentiables." Hindi rin umano nasisindak si Fernando sa pagpasok sa presidential race ni Sen Benigno “Noynoy" Aquino III, na pumalit kay Sen Mar Roxas bilang pambato ng Liberal Party.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kinumpirma naman ni Executive Secretary Eduardo Ermita, presidente ng Lakas-Kampi CMD, na sa ngayon ay tanging sina Teodoro at Fernando na lamang ang pinagpipilian ng administrasyon bilang manok sa panguluhang halalan. “Ang nasa aming radar screen ay dadalawa - si secretary Teodoro at chairman Fernando," pahayag ni Ermita sabay paliwanag na hindi pa rin nila kapartido De Castro ngayon. Pinabulaanan din ni Ermita ang mga ulat na personal na inibitahan ni Pangulong Gloria Arroyo si De Castro na sumali sa Lakas-Kampi-CMD para maisama sa pagpipilian na standard bearer. “Hindi natin masabi na invitation. I think he was just sounded off. Hindi pa naman siya kinakausap talaga," ayon kay Ermita. - GMANews.TV
LOADING CONTENT