Filtered By: Topstories
News

‘Maluhong’ hapunan ni Arroyo sa US naungkat dahil sa tax on text


MANILA – Naungkat muli ang “maluhong" hapunan ng grupo ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nang magtungo sa United States noong Agosto dahil sa panukalang patawan ng buwis ang text messages sa cellular phone. Binatikos ng consumer group na TXTPower ang Malacanang at si Quezon Rep. Danilo Suarez na nagsusulong na patawan ng limang sentimong buwis ang text upang pagkunan ng karagdagang pondo ng gobyerno. Ayon kay Ian Cruz, presidente ng TXTPower, dapat tuluyang ibasura sa Kamara de Representantes ang panukala ni Suarez sa halip na sundin ang utos ng Malacanang na rebisahin ito. Hindi rin naniniwala ang grupo na hindi ipapasa ng mga telecommunication companies sa mga subscribers ang ipapataw na buwis kahit pa maglagay ng “no pass on" provision sa panukala. "(The) five centavos per text may be too small for Rep. Suarez and Malacanang, but for the majority who are already overtaxed and overstressed by the daily terror of trying to survive on shrinking incomes, any new tax is unacceptable," pahayag ni Cruz nitong Sabado. Idinagdag nito na hindi katulad ni Suarez, hindi kaya ng karaniwang mamamayan na gumastos ng $15,000 para lamang sa isang hapunan. Una rito, inamin ni Suarez na siya ang nagbayad sa $11,000 nagastos sa pagkain ng grupo ni Gng Arroyo sa Bobby Van’s Steakhouse sa Washington DC noong Agosto.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon kay Cruz, sapat na ang pahirap umano ng gobyerno sa mga cellphone subscribers dahil sa sinisingil na 12 percent Value Added Tax sa mga produkto, serbisyo, pati na ang paggamit sa prepaid at postpaid subscriptions sa telepono. "We reject and detest the callous implication by text tax proponents that because we say no, we are purportedly against improving our nation's schools. The right question to ask on this is, how is the government spending our taxes?" banat ni Cruz. Iginiit pa nito na hindi ngayon ang panahon na dapat magpataw ng buwis ang gobyerno kung saan maraming Pilipino ang naghihirap dahil sa krisis. Sa halip na magpataw ng bagong buwis, mas makabubuting magtipid umano ang gobyerno katulad ng pagbawas sa biyahe ni Gng Arroyo sa ibang bansa. " These government officials who are mostly rich always pick on the poor but they may not be giving their own fair share in taxes," ayon kay Cruz na nagsabing magsasagawa ng mga protesta sa susunod na linggo. - GMANews.TV
LOADING CONTENT