Filtered By: Topstories
News

Teritoryo ni Ping, napasok ni Villar


MANILA – Sa kabila ng pag-atake ni Senador Panfilo Lacson, pinili pa rin ng mga lokal lider sa kanyang lalawigan sa Cavite na suportahan ang kandidatura sa 2010 elections ni Senador Manny Villar. Una rito, inakusahan ni Lacson si Villar na nakinabang sa pondong inilaan sa C-5 road project na inaasahang magpapabilis sa biyahe patungo at palabas ng Cavite at Metro Manila. Sa ginawang seremonya sa makasaysayang Laurel House sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City na pag-aari na ngayon ni Villar, mahigit 300 lokal na lider sa Cavite ang nanumpa bilang kasapi ng pinakamatandang partido - ang Nacionalista Party. Ang mga lokal na lider ng Cavite ay pawang kasapi ng pinakamatandang partido rin sa lalawigan – ang Magdalo. Kabilang sa mga nakipagsanib ng puwersa sa NP ay 13 sa 23 kasalukuyang alkalde sa Cavite. Kasama ring nanumpa sina Cavite Rep . Boying Remulla, dating tagapagsalita ng Pwersa ng Masang Pilipino, at kapatid nitong si Jonvic Remulla, dating bise gobernador. “We deem Senator Villar as the sole unifying factor whose leadership can reach out to various sectors in a bid to propel the country to higher ground," ayon kay Rep. Remulla.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sinabi naman ni Villar na magiging maganda ang pagsasama ng dalawang pinakamatandang partido sa bansa para maghanap ng solusyon sa mga problema ng bansa partikular na sa kahirapan. Idinagdag ng senador na marami pang lider sa lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nakatakdang sumanib sa NP. “Ang mga local leaders na sumanib sa aming partido ay naniniwala sa adhikain ng NP isulong ang bansa at maibalik ang dignidad at karangalan ng ating mamamayan," pahayag ni Villar. Ipinangako naman ng Magdalo na ibibigay nila kay Villar ang pinakamaraming boto katulad nang ginawa nila sa iba pang kandidato na dati nilang sinuportahan. “Noong panahon ni dating Pangulong (Ferdinand) Marcos, naipanalo namin siya sa lalawigan ng Cavite na may mahigit 40,000 boto. Noong panahon ni dating Pangulong (Joseph) Estrada, naipanalo din namin siya sa botong 90,000 boto. Noong tumakbo si Sen. Panfilo Lacson, naipanalo namin siya sa 50,000 boto," pagmamalaki ni Remulla. Idinagdag naman ni Villar na halos isang daan taon na ang nakararaan nang magsanib noon ng puwersa ang NP at Magdalo upang makipaglaban sa kalayaan. “Noong unang panahon, ipinaglaban ng ating mga ninuno sa partido ang kalayaang pulitikal. Pagkatapos ng isang daang taon, kailangan na naman natin ng panibagong pakikipaglaban, pakikipaglaban sa kahirapan," ayon sa mambabatas. - GMANews.TV